LRP sa SSS loan na di nabayaran

AKO po si Carissa Fajardo, itatanong ko lang po sa inyo ang tungkol sa na-loan ko na salary loan.

Nag-loan po ako noong June 2014 ang halaga po niya ay P22,000,

Mag-start po sana ang payment ko sa na-loan ko noong Aug. 2014 kaso po hindi ko ito agad nabayaran kasi po hindi ko na po makita ang voucher ko na ibibigay ko sa company na pinapasukan ko. Hanggang sa tumagal ito ng halos dalawang taon na hindi ko nahuhulugan.

Nagpadala yung SSS ng letter sa company ko tsaka lang po nagkaltas ang company ko para mabayaran ang loan ko.

Lumaki na po yung interest ng naloan ko, hanggang sa ngayon ay kinakaltasan pa po ng company namin ang sahod ko. Tanong ko lang po maia-apply ko po ba ito sa sinasabi ninyo LRP, kasi ang laki po ang inabot ng interest na binabayaran ko. Umabot kasi yung interest ko ng P9,000, ang nabayaran ko ay P18,037.07, may balance pa akong P13,486.89. Ang na-loan ko lang naman po ay P22,000.

Ano po ba ang pwede kong gawin dito sa problema ko? Sana po ay mabigyan ninyo ako ng advice na maari kong gawin upang masolusyonan ko ito.

Maraming salamat po.
Carissa Fajardo

REPLY: Ito ay bilang tugon sa sulat ni Bb. Carissa Fajardo kung saan itinatanong niya kung maaari siyang mag-avail ng loan restructuring program para sa mas magaan na pagbabayad sa naiwan niyang loan balance.

Binuksan muli ng SSS ang Loan Restructuring Program (LRP) noong ika-1 ng Abril 2018 at tatakbo ito hanggang ika-1 ng Oktubre 2018. Sa ilalim ng programang ito, tatanggalin ng SSS ang penalty ng loan kapag nabayaran na ng buo ang principal at interest nito. Karaniwang malaki ang penalty dahil ang loan sa SSS ay pinapatawan ng one percent penalty sa bawat buwan na hindi nabayaran at lagpas na sa takdang panahon ng pagbabayad.

Para mag-qualify sa LRP ang member ay dapat na may past due loan na hindi bababa sa anim na buwan mula ika-1 ng Abril 2017; dapat hindi pa siya umaabot sa 65 taong gulang; dapat ay nakatira o nagtatrabaho sa declared-calamity area ng National Disaster Risk Reduction and Management Council; hindi pa nabibigyan ng final benefit ng SSS tulad ng permanent total disability o retirement.

Batay sa aming records, si Bb. Fajardo ay kumuha ng loan sa SSS noong Hunyo 2014 na nagkakahalaga ng P22,000. Nabayaran ito ng isang beses noong 2014 at ang sumunod na bayad ay noong Hulyo na ng 2016. Dahil dito, napatawan na ng penalty ang loan para sa mga buwan mula Hulyo 2014 hanggang Hunyo 2016.

Mula Hulyo 2016, nagsimula na muling bayaran ng kanyang employer ang kanyang loan. Sa ngayon ang balanse ng loan ni Bb. Fajardo ay P12,698.99, kung saan P12,272.52 ang principal, P204.54 ang interest, at P221.93 ang penalty. Makikita dito na konti na lang ang naiiwang penalty ng kanyang loan.

Maaaring mamili si Bb Fajardo na ipagpatuloy lamang ng kanyang employer ang pagbabayad ng kanyang loan o mag-avail ng LRP kung saan tanging ang principal at interest ang kanyang babayaran ng buo o installment. Kung installment ito babayaran mapapatawan ito ng interes na 3 percent per annum. Ang mga nag-aavail ng LRP ay maaari lamang mag-avail ng panibagong loan anim na buwan matapos mabayaran ng buo ang loan.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan.

Salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.
Sumasainyo,
May Rose DL Francisco
Social Security Officer IV
SSS Media Affairs
Department
Noted:
Ma. Luisa P. Sebastian
Department Manager III

May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog1977@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.

Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.

Read more...