May himala: Mommy ni kilalang singer-actress biglang nagpakain ng pancit


KILALANG-KILALA sa pagiging matipid na umaabot na sa imahe ng pagiging kuripot ang mommy ng isang sikat na singer-actress. Parang wala sa kanyang bokabularyo ang pagiging generous.

Kabisado na si mommy ng mga kasamahan at katrabaho ng kanyang sikat na anak, wala nang nagtataka sa kanyang kakuringan, sanay na sanay na sila.

Pero isang araw ay nagulantang ang mga dinatnan sa rehearsal ng mag-ina, may dala-dalang food si mommy, pagsasalu-saluhan daw nila. Natural, very happy ang lahat, windang din ang iba, dahil ano nga ba ang nakain ni mommy at nagdala siya ng pagkain sa rehearsal?

Kuwento ng aming source, “Naku, hindi malaman ng mga nandu’n kung anong pasasalamat ang sasabihin nila kay mommy! Paano nga naman, e, dekada na silang magkakasama, pero ni isang piraso ng candy o biscuit, hindi man lang nagsi-share ang mommy ng sikat na girl!

“Pero nu’ng hapong ‘yun, e, isang napakalaking bilao ng pancit guisado ang dala-dala niya, sobra-sobra para kainin ng lahat ng mga nandu’n, sa totoo lang!

“So, nagpista sila sa kakakain, masarap ang dalang pancit ni mommy, walang tatak, pero panalo ang lasa at maraming sahog! Bumabalik pa nga ang iba dahil napakasarap talaga ng pancit!

“Nu’ng dumidighay na sa kabusugan ang lahat, e, biglang may inilabas na calling card si mommy, parang taste test pala ‘yun! Talagang ipinaluto at ipinatikim niya sa lahat ang pancit dahil ‘yun pala ang bago nilang negosyo!

“Tama, may bago pala silang restaurant, ‘yun palang guisadong pancit na ipinakain sa kanila ang specialty ng resto! Pinagbibigyan sila ng calling card ni mommy, kapag gusto raw nilang umorder, wala silang dapat gawin kundi ang tumawag at umorder!” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.

Nakakaloka nga naman dahil sa buong buhay ng mommy ng sikat na singer-actress ay nu’n lang siya nagpakain sa kanilang mga kasamahan. Kahit pa super-successful ang concert ng kanyang anak ay ni hindi nga nagpapakain si mommy.

“Negosyo pala nila ‘yun, new business nila, kaya nagkaroon ng idea si mommy na magdala ng pancit, para matikman ng mga nandu’n, ganu’n lang!

“Ibang klase talaga si mommy, forever na siyang kuring! Enough na, hanggang du’n na lang ang clue, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday!” pagtatapos ng aming source.

Read more...