Showbiz Pa More ni Jhai Ho rarampa na sa Jeepney TV


IPINAKIKILALA na ng Jeepney TV ang kauna-unahang talk show nito tampok ang pinakamaiinit na balita sa mundo ng telebisyon at pelikula sa Showbiz Pa More, kasama ang host na si DJ Jhai Ho, na magsisimula na ngayong Linggo.

Bibida sa isang oras na lingguhang talk show ang mga pinag-uusapang kontrobersiya sa mundo ng showbiz, trending topics, events at happenings, at iba pang eksklusibong kaganapan na masayang ikukwento ni Jhai Ho.

Kilala bilang si Lord Jireh Nepomuceno Seruelo sa totoong buhay, nakilala sa Jhai Ho bilang showbiz reporter at DJ ng MOR 101.9. Pumatok din sa viewers ang kanyang online celebrity interviews, ang “Hotspot” at “Hotspot Wheel Talk.”

Sa unang episode ng Showbiz Pa More, makakachikahan ni Jhai Ho si Matteo Guidicelli sa main segment ng programa na “On Da Spot.” Asahan ang masayang interview sa Bagani star dahil haharapin nito hindi lamang ang mga tanong ni Jhai Ho kungdi pati na rin ang game challenge na ipapasubok sa kanya.

Kaabang-abang din ang iba pang celebrity guests ng programa para sa buong buwan ng Mayo – ang singer na si Jake Zyrus, ang The Blood Sisters actor na si Enchong Dee, at ang lead actress ng Hanggang Saan na si Sylvia Sanchez.

Ilan pang bahagi ng programa ang Hotspot kung saan magbibigay ang kwelang host ng recap ng mga bonggang showbiz headlines, at Joyride kung saan tampok ang ilang behind-the-scene event exclusives.

Bibida rin ang iba pang showbiz tidbits, tulad ng #ThrowbackKahitHindiThursday, kung saan ibabahagi ng mga artista ang nakakatuwang kwento tungkol sa mga hindi makakalimutang eksena sa tampok na pelikula o programa ng Jeepney TV, at ilang bahagi na makakaharap naman ni Jhai Ho ang mga fans sa On The Jeep (OTJ), Extreme Fan, at iba pa.

Isang karangalan ng Jeepney TV na ibalik ang mga paboritong programa at pelikulang Kapamilya mula noong 80’s, pati na rin ang mga tumatak na mga palabas kamakailan, na naging bahagi na ng buhay ng mga Pinoy. Mapapanood ito sa SKYcable channel 9, Destiny Cable Analog 41 at Digital 9.

Abangan ang Showbiz Pa More simula bukas ng hapon, Linggo, 4 p.m. sa Jeepney TV!

Read more...