HINDI sa salita, ni sa mga labi, kundi sa gawa’t katotohanan. Iyan ang Pagninilay sa Ikalawang Pabasa sa Ebanghelyo (Gawa 9:26-31; Slm 22; 1 Jn 3:18-24; Jn 15:1-8) sa ikalimang linggo ng Pasko ng Pagkabuhay.
Patay nasa narcolist (isama na rin si Herodes na lango nang iutos ang pagpaslang sa mga sanggol o si Don Pepe Oyson, na wala namang kasong droga), mga opisyal ng barangay na wala na sa puwesto, mali-maling pangalan ng mga opisyal. At iginiit na “validated” ng apat na kusinero ang narcolist! Dismis ang kasong isasampa dahil sa teknikalidad. Ang gagaling ‘nyo.
Sa unang narcolist, inilista ang pangalan ni Gob. Amado Espino. Di kalaunan, nagsori si Digong. Si Espino? Hindi nga sinisikatan ng araw ang mga adik at tulak sa kanyang lalawigan, siya pa ang nasa top 10? Masama ang loob ni Espino. At dahil masama rin ang loob ng huling mga idinawit, sasama na sila sa LP ni Aquino.
Bawal sa Katoliko ang magbintang. Mortal na kasalanan ang maling akusasyon o bintang dahil ito’y tuwirang paglabag sa Ikawalong Utos ng Diyos. Sa kumpisal, ang pari’y maaaring mamagitan lamang sa paghingi ng kapatawaran sa umano’y nagsising nagkasala. Pero, Diyos lamang ang makapagpapatawad sa lumabag sa Sampung Utos.
Gusto namin ng gera kontra droga dahil kami’y biktima rin ng mga adik. Pero, patay na ang mga adik at tila dalawa na lang ang natira at hindi na nagpapakita. Nang sila’y mapatay, di naman naghabol ang kanilang pamilya, di lumapit sa media at lalo na sa human rights com. Alam nilang salot sa komunidad ang kanilang mga anak/kamag-anak, at mismong sila ay biktima rin ng mga ito. Wala ring paring kumondena dahil kilala nila ang mga demonyo.
Dapat katigan ng simbahang Katolika at mga opisyal ng human rights na nilumot na ang baba (tulad ng Boracay) ang pagliligtas sa mga Pinoy sa Kuwait. Parang si Moises lang yan, na nagalit ang Paraon, nang itawid sa dagat ang mga api. Di ba’t kanlong ng Diyos ang pagliligtas kahit na may soberanya ang Paraon? Hindi suportado ng UN ang posisyong soberanya na iginigiit ng Kuwait.
Marami na ang nayayabangan kay Bong Nebrija ng MMDA. Ang pagmamalaki ay dinadala pa niya tuwing Linggo (araw ng Panginoon) sa istasyon ng radyo. Paalala lang, iho: ang mapagmataas ay ibanabagsak. Mula sa itaas, wala nang susunod na daan kundi ang bumaba. Manalangin muna sa Kanya bago harapin ang taumbayan. Meron ding panalangin para sa maigsi ang pasensiya.
UST (Usaping Senior sa Talakayan, Marulas, Valenzuela, NCR [ang Valenzuela ay nasa teritoryo ng Diocese of Malolos]): Interesting ang inihandang tema sa talakayan, pero isinantabi ito dahil sa lola, 73, na dumating na naka-denim na punit-punit (millennial) at sa isang punit ay mai-imagine ang labilabi. Hindi naman siya pinalabas at sinimulan ang pambungad na panalangin. Kabuuang tanong: dapat bang sumunod sa malaswang moda ang matatanda? Sagot: hindi, dahil sa gitna ng talakayan ay naroon ang Espiritu Santo.
PAGBABAHAGI sa Nilayan (Nilay-ugnayan sa Ebanghelyo, Prenza 2, Marilao, Bulacan): Walang tsamba sa buhay. Sa kabila ng dalawang BF, napangasawa ni Elsa ang de-kotse mahigit 40 taon na ang nakalilipas. Nakatikim ng ginhawa, pero tulad ng awit, “…some good things never last.” Ngayong “sacrificing senior” na si Elsa, malugod niyang pasan ang bigat ng buhay na nag-iisa. Sa grupong may espirituwal, ang paghihirap ay gumagaan.
PANALANGIN: Panginoon, bigyan mo kami ng tapang ng loob upang baguhin ang mga bagay na maaari pa naming baguhin. Serenity Prayer.
MULA sa bayan (0916-5401958): Mahirap baguhin ang nakagawian na. Baka matalo ang kandidatong malakas daw sa Davao City. Hindi kinakalimutan ang utang na loob. …7818, Banadero, Ozamiz City