Sinabi ni House committee on housing and urban development chairman at Negros Occidental Rep. Albee Benitez gawa sa kahoy ang tulay kaya nakakagulat na P12 milyon ang ginastos dito sa gobyerno.
“Tingin ko ang cost noon ay P1 million lang or baka mas mura pa. Nagulat ako na P12 million,” ani Benitez.
Ang National Housing Authority ang nagpagawa ng tulay para sa housing project ng nakaraang administrasyon.
“Ito (wooden footbridge) magiging subject ng investigation. Hindi lang kami nadulas, nalaglag pa,” dagdag pa ni Benitez na isa sa mga bumagsak sa maburak na tubig ng dumaan sila sa tulay para sa inspeksyon ng mga substandard na bahay.
Magsasagawa ng imbestigasyon ang komite ni Benitez sa pagbubukas ng sesyon.
Kasamang nahulog sa tulay ni Benitez sina Zamboanga City Rep. Celso Lobregat, Zamboanga City Mayor Maria Isabelle Beng Climaco-Salazar, at NHA Regional Director Alfonso Borlagdan.
Bukod sa tulay ay iimbestigahan din ang mga substandard na pabahay sa Sitio Hongkong, Brgy. Rio Hondo.
“Ordinarily, ‘yung isang housing unit na itinatayo ng NHA sa lupa na semento na umaabot ng P240,000 per unit. Dito sa house on stilts na ini-inspection natin, ang cost niya ay P220,000. Mas mura lang nang P20,000,” dagdag pa nito.