NGAYON lang nagparamdam ng pagiging emosyonal sa entablado si Sarah Geronimo.
Sa hindi na mabilang na matatagumpay niyang concerts dito at sa iba-ibang bansa man ay sinisimulan at tinatapos niya nang maayos ang kanyang performance.
Pero kakaiba nga ang gabing ‘yun ng kanyang concert sa Las Vegas, bumigay ang magaling na singer-actress, hindi niya nakontrol ang kanyang emosyon.
Nagkakaisa ang mas nakararami sa pagsasabing hanggang leeg na raw kasi ang pressure ni Sarah, sa labinglimang taon ng kanyang pagiging singer ay pagod na pagod na siya, kaya ganu’n ang naramdaman niya.
Ngayon lang siya nakita ng publiko na nagkaganu’n. Hindi niya kinaya ang kanyang signature song na kahit papikit ay kinakaya niyang ibigay nang tama sa tono.
Tao lang naman kasi si Sarah Geronimo na bumibigay rin ang katawan. Kung ang makina nga ay pinagpapahinga para mas pakinabangan ay ang tao pa kaya?
Pinagsama-samang stress, pagod at pressure na ang lumukob sa kanyang katawan nu’ng mga sandaling ‘yun.
Pero hindi niya binigo ang kanyang mga tagasuporta, bumalik siya sa entablado para humingi ng dispensa, at saka niya kinanta ang piyesang “Forever Is Not Enough” na sinabayan ng kanyang mga tagahanga habang nagpapalakpakan.