INIREKOMENDA ng fact finding team ng Ombudsman ang pagsasampa ng kaso laban kay dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon at iba pang opisyal kaugnay ng 602.2 kilong high grade shabu na may street value na P6.4 bilyon na nailabas sa Bureau of Customs.
Kasong graft umano ang dapat na isampa kay Faeldon, Import Assessment Service Director Milo Maestrecampo, Risk Management Office Chief Larribert Hilario, Accounts Management Office Chief Mary Grace Tecson-Malabed at BOC Director Neil Anthony Estrella.
Inirekomenda rin ang pagsasampa ng Usurpation of Official Functions at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban kay Faeldon.
Inirekomenda rin ang pagsasampa ng kasong Grave Misconduct laban kay Faeldon, at mga opisyal ng BoC na sina Joel Pinawin at Oliver Valiente.
Gross Neglect of Duty at Grave Misconduct naman kina Tecson-Malabed at Maestrecampo.
Ang mga inirekomendang kasuhan ay sasailalim sa preliminary investigation kung saan sila maaaring magharap ng ebidensya para patunayan na sila ay inosente sa alegasyon.
Ibinasura naman ng reklamo laban kina dating Davao City Vice-Mayor Paolo Duterte at Atty. Manases Carpio dahil sa kawalan ng basehan.
Sinalakay ng BOC-Customs Intelligence and Investigative Services, National Bureau of Investigation, Philippine Drug Enforcement Agency noong Mayo 2017 ang warehouse ng Philippine Hongfei Logistics Group of Companies, Inc. sa Valenzuela City kung saan dinala ang mga shipment na idineklarang printing cylinders kung saan nakatago ang shabu.
“The BOC later discovered and seized the shabu but the manner through which the discovery and seizure were made leaves much to be desired. Evidence suggests that numerous laws and administrative issuances pertaining to the proper search, seizure, handling and controlled delivery of drugs were violated by the public officers,” ayon sa imbestigasyon ng fact finding team.
Hindi naman nakilahok sa imbestigasyon si Ombudsman Conchita Carpio Morales na tiyahin ni Carpio. Si Carpio ay mister ni Davao City Mayor at presidential daughter Sara Duterte.