Pulis nag-amok,  napatay ng mga kabaro sa Davao City

NAPATAY ng mga kasamahang pulis ang kanilang kabaro matapos namang mag-amok sa Davao City, kagabi, ayon sa pulisya.

Sinabi ni Chief Inspector Milgrace Driz, spokesperson ng Southern Mindanao Police Office, na nakatanggap ng ulat ang Regional Mobile Force Battalion (RMFB) kaugnay ng insidente ng pambubugbog, matapos namang pag-initan ng isang lalaki ang isang driver ng tricycle sa labas ng regional police camp sa Buhangin district, Davao City, alas-6:10 ng gabi noong Lunes.

Idinagdag ni Driz na papalapit ang mga miyembro ng RMFB nang paputukan sila ng suspek, dahilan para sila gumanti, na ikinasawi nito.

Sinabi pa ni Driz na nakilala ang suspek na si Senior Police Officer 1 Roger Padayogdog, na isa ring miyembro ng RMFB.

“He was immediately brought to (the Southern Philippines Medical Center) for medical treatment but later expired as declared by his attending physician,” sabi ni Driz.

Ayon kay Driz, inamin ng mga rumespondeng pulis na hindi nila nakilala si Padayogdog dahil nakasuot ng sibilyan.

“According to some information gathered from his peers, SPO1 Padayogdog was observed emotionally distressed lately,” ayon kay Driz.

Idinagdag ni Driz na iniimbestigahan pa ang insidente.

Read more...