Sarah: I’ve been asking myself, bakit I feel empty?

SARAH GERONIMO

NAKIIYAK kay Sarah Geronimo ang kanyang mga Popsters sa ginanap na “This 15 Me” concert sa Las Vegas, Nevada nitong nakaraang Lunes.

Hindi napigilan ng Popstar Princess ang maluha sa harap ng madlang pipol habang nasa gitna ng stage at naglabas ng kanyang saloobin tungkol sa kanyang pinagdaraanan ngayon.

Sa isang bahagi ng concert ni Sarah sa Amerika inamin niya na may mga pagkakataong inaatake siya ng depresyon at panghihina ng loob.

“Ito na po pala yun. It hit me. Yung mga napapanood ko po sa videos ni MJ (Michael Jackson). Yung sigawan at kantahan ng mga tao. Minsan may naluluha pa, gusto ka mahawakan lang.

“Grabe po. I realized na hindi po pala ako handa du’n. Ginusto ko pong maibahagi yung talento ko, pero hindi po pala ako handa du’n sa mga kasama ng hiningi ko.

“Lalo na po yung pressure to always do good, maging role model ka, maging perpekto ka. Mahirap po,” ang madamdaming pahayag ng singer-actress.

Habang umiiyak ay humingi ng paumanhin si Sarah sa mga manonood, “I’m sorry, pagod po ako…I’m so sorry. I hope na kayanin ko i-survive itong gabing ito because you paid…at gumastos po kayo na mabigyan ko kayo ng entertainment. I’m sorry.”

Pagpapatuloy pa ng dalaga, “I’ve been asking myself bakit I feel empty. Hindi yung successful na shows or mga hits ang makakapagpakumpleto sa ‘yo, ang makakapagpasaya sa ‘yo bilang tao, kundi yung tunay na pagmamahal na hindi nagbabago—perpekto ka man o hindi.”

“At unti-unti kong hinahanap kung ano’ng gagawin ko para I will feel fulfilled. Hanap ako, hanap, hanap… until now pumapasok pa rin siya sa isip ko.

“And then, may nagsabi sa akin, ‘Huwag ka na maghanap, kasi ‘yan ang ibinigay na talento ng Diyos para sa ‘yo. So use it as a platform to honor His name, to glorify His name, and to become an inspiration to other people,” litanya pa ng girlfriend ni Matteo Guidicelli.

Mensahe pa ng dalaga sa kanyang mga fans, “Kayo po na patuloy na naniniwala, 15 years, maraming-maraming salamat po. Forever po akong magiging thankful sa inyo. Pasensiya na po, para po sa inyo.”
Pagkatapos nito ay kinanta ni Sarah ang kanyang unang hit song mula sa debut album niyang “Popstar: A Dream

Come True” na “Forever Is Not Enough” habang patuloy pa rin sa pag-iyak. Dito halata nang hirap na siyang bumirit. Sa kalagitnaan ng kanta ay tumalikod na si Sarah at bumalik sa backstage.

Sa isa pang video, mapapanood ang dalaga na patuloy ang pag-iyak sa backstage habang nagso-sorry sa mga taong nakapaligid sa kanya. Mapapanood din sa video ang pagsalubong sa kanya ng inang si Mommy Divine pati ng mga production staff ng concert. Maririnig na sinabi ni Sarah habang umiiyak ang mga katagang, “Thank you po. Pasensiya na po.”

Read more...