Alab Pilipinas nahiritan ng Game 5 ng Mono Vampire

Laro sa Miyerkules, Mayo 2
(Sta. Rosa, Laguna)
8 p.m. Alab Pilipinas vs Mono Vampire

KINAPOS ang Alab Pilipinas na maibulsa ang korona Lunes ng gabi matapos itong mabigo kontra Mono Vampire, 88-83, sa Game Four ng 2018 ASEAN Basketball League championship series sa Stadium 29 sa Bangkok, Thailand.

Nagtala ang Alab Pilipinas ng kabuuang 26 turnover sa laro na sinamantala ng Mono Vampire upang itulak ang kampeonato sa matira-matibay na Game Five na isasagawa sa homecourt ng mga Pinoy bukas.

Sinandigan ng mga Thai ang Asian heritage import na si Paul Zamar upang protektahan ang tatlong puntos na kalamangan matapos nitong ipasok ang drop shot may 17.9 segundo na lang ang nalalabi sa laro.

Naging pabigat para sa Alab Pilipinas ang pagkakaroon ng apat na foul ni Renaldo Balkman sa halos kabuuan ng ikatlong yugto at unang limang minuto ng ikaapat na yugto kung saan nagawa ng Mono na ihulog ang 10-2 run para itala ang walong puntos na bentahe, 79-71.

Nagpilit ang Alab na makabalik sa laro matapos na ilapit na lamang sa tatlong puntos ang paghahabol sa 86-83 mula sa dalawang free throw ni Justin Brownlee subalit kinapos ang koponan sa endgame.

Ang winner-take-all Game 5 ay gaganapin alas-8 ng gabi ngayong Miyerkules sa Sta. Rosa Multi-Purpose Sports Complex sa Sta. Rosa, Laguna.

Naging mainit ang pagsisimula ng Alab Pilipinas matapos agad nitong itala ang 8-2 abante sa unang yugto subalit agad na gumanti ang Mono Vampire sa anim na sunod na puntos upang itabla ang laro at agawin ang bentahe hanggang sa pagtatapos ng unang quarter, 23-18.

Agad nagtala si Bobby Parks Jr. ng 11 puntos sa unang hati habang may 10 si Balkman. Nalimitahan naman si Brownlee sa pitong puntos kung saan hindi makawala ang Alab matapos magtala ng 14 na turnover na pinakamarami nito sa loob ng unang hati ng labanan bagaman naghabol lamang sa 42-45 iskor.

Sina Mike Singletary at Sam Deguara ay nagtala ng tig-20 puntos para pamunuan ang Mono Vampire.

Read more...