NANIBAGO kami sa bagong look ni Carlo Aquino nu’ng makatsikahan namin sa presscon ng FDCP’s (Film Development Council of the Philippines) Cine Lokal para sa pagpapalabas nila ng “Throwback Today” na pinagbibidahan ng aktor.
Iba na kasi ang kulay ng medyo mahaba niyang buhok with matching ash blonde na highlights.
Bumagay naman sa kanya ang bago niyang hairsyle and color, mas lumutang pa nga ang kanyang kagwapuhan ngayon.
Ayaw daw kasi muna niyang magpagupit ng buhok dahil baka raw kasi pag-initan na pagupitan siya sa susunod na movie na nakatakda niyang gawin anytime soon.
Posibleng ang pelikula na gagawin nila ni Angelica Panganiban ang tinutukoy ni Carlo. Nag-look test na raw sila ni Angelica last weekend.
“Parang magsisimula ng college days ang kwento. Tapos magiging kami. Tapos kung ano ‘yung pinagdadaanan ng isang couple sa isang relasyon. Parang true-to-life, ‘di ba? Light siguro to heavy,” kwento ni Carlo.
Excited at kinakabahan si Carlo sa muli nilang pagsasama ni Angelica sa isang malaking proyekto. Huli silang nagtambal ng Hugot Queen sa Maalaala Mo Kaya nu’ng 2014. Iba raw ‘yung feeling na mapanood sila sa big screen.
Tiniyak naman ni Carlo na hindi siya maiilang kung magkakaroon sila ng kissing scene ni Angelica sa movie na ididirek ni Dan Villegas.
“Mukhang kahit si Angelica hindi naman din maiilang. Pero parang hindi kasi ganu’n ‘yung pelikula, e. Pero hindi ko sure kung meron o wala kasi wala pang binibigay na script sa amin,” say ni Carlo.
Malamang daw sa shooting ng movie magkabalikan sina Angelica at Carlo. Sa ngayon daw kasi hindi pa naghahanap ng bagong karelasyon si Carlo.
Ilang beses nang sinabi sa amin ng magaling na aktor na wala pa sa priorities niya ngayon ang magka-lovelife after his break up with his last girlfriend. He wants to focus daw muna sa kanyang career na feeling niya ay ngayon lang talaga nagbu-bloom.
“Parang after seven years, masyado pang maaga. Masyadong mabilis kung magkakaroon agad ako ng ibang karelasyon,” sabi ni Carlo.
Sa dami ng mga nagpe-pray at umaasa na magkakarroon ng part 2 ang kanilang love story, hindi imposibleng sila pala talaga ang itinadhana. Ayon nga sa kasabihan, sa hinaba-haba ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy.
q q q
Samantala, natutuwa naman si Carlo na binigyan ng chance ng FDCP na ipalabas sa malalaking sinehan sa lahat ng SM malls ang indie film niya na “Throwback Today” na idinirek ni Joseph Teoxon.
“Natutuwa ako kasi maganda ‘yung concept, ‘yung plot ng pelikula. Kasi ang ganda nu’ng makakausap mo ‘yung younger self mo. Ano ang sasabihin mo para mabago ang present mo, para mabago ‘yung future,” kuwento ni Carlo tungkol sa nasabing movie.
Kung meron daw siyang babalikan sa sarili niya nu’ng bata siya ay ‘yung pagiging takot niya sa ilang mga bagay-bagay. Ito raw ang dahilan kaya may mga pinaglapas siyang mga proyekto nu’ng bagets pa siya.
“May mga inayawan siya dahil sa project o mga kasama sa pelikula? Natakot ako doon sa failure. Kasi at a young age sobrang dami na ang binibigay sa akin na parang ang taas ng expectation nila na ayokong masira.
“E, sa ‘Throwback Today’ pinaparating niya na para maging successful ka kailangan marunong kang mag-handle ng failures,” pahayag pa ni Carlo na pang-leading man na rin ang arrive ngayon.