Mga Laro Ngayon
(The Arena, San Juan City)
10 a.m. San Beda vs St. Benilde (juniors)
12 nn. Arellano vs San Sebastian (juniors)
2 p.m. Perpetual vs EAC (juniors)
4 p.m. Arellano vs San Sebastian (seniors)
6 p.m. Perpetual Help vs EAC (seniors)
Team Standings: Letran (1-0); Jose Rizal University (1-0); Lyceum (1-0); San Beda (1-1); St. Benilde (0-1); San Sebastian (0-1); Mapua (0-1); Perpetual Help (x-x); Emilio Aguinaldo College (x-x); Arellano University (x-x)
PAGKAKATAON ngayon ng Arellano University Chiefs na ipakita ang angking lakas sa pagharap sa San Sebastian College Golden Stags sa pagbabalik-aksyon ng 89th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
Ang Chiefs ang itinuturo na isa sa palaban sa titulo ngayong season matapos ang magandang ipinakita sa mga preseason tournaments.
“It’s good to have the confidence but we have to manage expectations. Isang mahalagang bagay para sa amin ngayon ay ang ibibigay na efforts ng mga players,” wika ni Chiefs coach Koy Banal.
Balik sa koponan si James Forrester upang makipagtulungan sa mga datihan ding sina Nard John Pinto, Prince Caperal at Julius Cadavis.
Nakuha rin ng koponan ang dating kamador ng Jose Rizal University sa juniors na si Keith Agovida para makatiyak na may matibay na opensa ang Chiefs.
Ang laro ay itinakda sa ganap na alas-4 ng hapon at dapat maghanda ang Chiefs sa Stags na gustong bumangon matapos ang 69-74 pagkatalo sa kamay ng Letran Knights sa unang asignatura.
“We may have lost the game but we saw players who are willing to sacrifice and help this team. We hope to bounce back in our next game,” pahayag ng nagbabalik na Stags coach Topex Robinson.
Mangunguna sa koponan ang mga baguhang sina Jon Kervin Ortuoste at Bradwyn Guinto na nagsanib sa 33 puntos sa natalong laro.
Ang tampok na laro dakong alas-6 ng gabi ay sa pagitan ng University of Perpetual Help Altas at Emilio Aguinaldo College Generals na parehong magpaparada ng beteranong koponan.
Nawala sa tropa ni Perpetual coach Aric del Rosario ang gunner na si Jett Vidal at Jorge Allen pero malakas pa rin ang Altas dahil nasa koponan pa rin ang mga Nigerian players na sina Femi Babayemi at Nosa Omorogbe para makatuwang sina Earl Scottie Thompson, Justine Alano at Anthony Paulino.
Hindi naman pahuhuli ang bataan ni EAC coach Gerry Esplana na ibabandera nina 6-foot-7 Cameroonian center Noube Happi, Jan Jamon, Elyzar Paguia at Jose Morada Lumaki pa ang Generals sa pagpasok ng kababayan ni Happi na si Jean Jacques Hiole Manga para magkaroon ng kapalitan sa center slot. — Mike Lee