Jennylyn nagpaka-Angelina Jolie, kinarir ang pagiging action star sa The Cure

TOM RODRIGUEZ AT JENNYLYN MERCADO

NGAYONG gabi na mapapanood ang pilot episode ng ng isa sa pinakamalaking produksyon ng GMA, ang The Cure na pinagbibidahan nina Jennylyn Mercado, Tom Rodriguez at Mark Herras.

Bago pa ang pagsisimula ng The Cure tonight sa GMA Telebabad, nakatanggap na ng papuri at mga positibong komento ang buong produks-yon mula sa mga netizens dahil nga sa ganda ng trailer ng programa.

Bukod sa star-studded cast kabilang na nga sina Jennylyn, Tom, Mark, Jaclyn Jose, LJ Reyes, Ken Chan at Jay Manalo, first time rin gagawin on national TV ang isang kwento kung saan buong bansa ang maaapektuhan. Relatable rin ang premise ng istorya dahil tungkol ito sa pamilya at sakit na cancer.

Ayon kay Jennylyn, preparasyon pa lang para sa pagbuo ng The Cure ay hindi na biro at talagang kinakarir daw nila ang mga delikado at maaaksyong eksena – lalo na’t napakametikuloso ng kanilang direktor na si Mark Reyes.

Kuwento pa ni Jen, kinondisyon talaga niya ang kanyang katawan dahil mapapasabak nga sila sa umaatikabong takbuhan at fight scenes, “Bumalik na po ako sa Brazilian jiu-jitsu ulit and tuloy-tuloy lang yung training ko for Balintawak (Filipino martial arts). Kailangan kasi batak ang katawan lagi para magawa ko lahat ng stunts.

“Nagamit ko sa malala-king eksena namin yung training ko sa martial arts. Noon naman po kasi ginagawa ko na siya. Seven, eight years na akong nag-jiu-jitsu, binalik ko lang siya ngayon,” ani Jen.

“Ito kasi yung first project ko na may action tapos thriller na wala masyadong drama. First time gagawin sa Philippine TV na ganitong concept, so sana ma-appreciate at magustuhan nila. Tsaka ang maganda pa sa The Cure, ipapakita rito na kahit anong mangyari, kahit anong problema ang dumadating, ‘yan yung nagpapatibay sa family,” chika pa ni Jen na nagpaka-Angelina Jolie sa mga action scenes at hindi rin siya nagpa-double sa mga stunts.

Kasama rin sa bagong serye sina Irma Adlawan, Ronnie Henares, Glenda Garcia, Diva Montelaba, Arra San Agustin at Leanne Bautista, sa direksyon ni Mark Reyes. Tutukan ang pagsisimula ng The Cure tonight sa GMA Telebabad.

Read more...