ISANG mainit na eksena ang pinasabog nina Miguel Tanfelix bilang Diego at Marvin Agustin bilang Raymond sa pinag-uusapan at laging trending na GMA Telebabad series na Kambal, Karibal.
Ito’y matapos ngang mabuking kung sino talaga ang tunay na pumatay kay Manuel De Villa (Christopher de Leon).
Sa pagdidiin ng kampo ni Raymond kay Cheska (Kyline Alcantara), may umamin at tumestigo na si Raymond talaga ang may kasalanan sa pagkamatay ng kanyang sariling ama.
Kaya naman nang malaman ito ni Diego ay sinugod niya si Raymond sa kulungan at sinuntok ito. Mainit ang palitan ng mga salita, at kitang kita sa mata ni Diego ang tindi ng kanyang galit sa ama.
Napakahusay ng atake ni Miguel sa kanyang karakter, at sa mga shots kay Marvin, kita rin sa mga mata nito ang pagkabilib sa co-actor habang ginagawa nila ang eksena. Lumabas ang galing ni Miguel sa drama, at talagang damang-dama ang nag-uumapaw nitong galit.
Napakanatural din ni Marvin sa pagiging kontrabida, kaya masasabing nagkatulungan talaga sila para makuha ang tamang timpla ng bawat kilos nila sa nasabing eksena.
Kaya naman puro papuri ang natatanggap ng bawat miyembro ng cast ng Kambal, Karibal mula sa Kapuso viewers at mga netizens. Bukod dito, mas lalo pang tumaas ang rating ng serye lalo na ngayong painit na nang painit ang bawat episode gabi-gabi sa Telebabad block ng GMA.