4 na miyembro ng #FBOIS bilib na bilib sa style ni Julian

FBOIS: JULIAN TRONO, DAN HUSHCKA, JACK REID, ANDREW MUHLACH AT VITTO MARQUEZ

PANG-BAGETS at millenials ang Mother’s Day offering ng Viva Films, ang “Squad Goals” na pinagbibidahan ng FBOIS na sina Vitto Marquez, Andrew Muhlach, Jack Reid, Dan Hushcka at Julian Trono.

Sa nasabing grupo, may recall na ang ilan sa kanila, tulad ni Vitto na anak ng mag-asawang Joey Marquez at Alma Moreno at kapatid ni Wynwyn Marquez. Si Andrew naman ay kapatid ni Aga Muhlach, habang si Jack ay kapatid naman ni James Reid. Bukod tanging si Dan na lang ang hindi pa masyadong kilala dahil sikat na rin naman si Julian.

Kaya natanong ang FBOIS kung malaking tulong ba sa kanila na may kaanak sila sa showbiz.

Ayon kay Vitto, “Actually, nag-audition po ako sa Hashtags at hindi ko sinabing anak ako nina Joey at Alma. Huli na lang po nila nalaman. Siguro po boost lang sa akin dahil showbiz royalty nga po, pero hindi ko po ginawang tool para makahakbang nang malaki.”

Wala naman daw alam si Aga na pinasok ni Andrew ang showbiz, “Hindi ko po ipinaalam, siguro ngayon alam na kasi nakikita na niya ‘yung mga post ko. Ang talagang tumutulong po sa akin ang papa ko, si Cheng Muhlach po.”

Aminado naman si Jack na malaking factor si James sa pagpasok niya sa showbiz dahil ito ang nagkumbinsi sa kanya na mag-artista na rin. Ang kabilin-bilinan ng kuya niya ay pagbutihin lagi ang trabaho, “I know, it’s hard to get in there, but I’m trying.”

Si Dan bilang baguhan at pinakabata ay marami ring naibibigay sa grupo dahil siya raw ‘yung pinakaseryoso sa trabaho lalo na kapag may mall shows sila, talagang kakikitaan daw ang bagets ng passion sa ginagawa niya.

Si Julian ang masasabing pinakasikat na sa grupo kaya naman idolo siya ng apat na miyembro ng FBOIS at kapag may mall shows sila at ang binata na ang huling magpe-perform ay talagang lumalabas ulit sa stage sina Andrew, Jack, Dan at Vitto para panoorin ang una.

“No joke po, talagang bilib kami sa kanyang mag-perform,” pakorus na sabi ng apat.

Sobrang thankful naman si Julian sa sinabi ng co-stars sa “Squad Goals” dahil sa suportang ibinibigay sa kanya, kasabay nga nito ang nabuong friendship nila.

Anyway, makaka-relate ang mga kabataan lalo na ang mga estudyante sa kuwento ng “Squad Goals: #FBOIS” dahil tatalakayin dito ang iba’t ibang problema at challenges na hinaharap nila sa buhay, pati na ang mga kalokohan ng mga kabataan habang nag-aaral pa.

Siyempre kung may FBOIS, meron ding FGIRLS sa pelikula na kinabibilangan nina Ella Cruz, Carlyn Ocampo, Aubrey Caraan, Sam Capulong at Victoria Pilapil mula sa direksyon ni Mark Meily produced by Viva Films.

Read more...