Nagsusulputan na rin ang mga resort sa Hinugtan Beach at ngayo’y may mga napapabalita pang away sa lupa, kaya pinalakas na ng pulisya ang presensiya nito doon, sabi ni Senior Insp. Willian Aguirre, hepe ng Buruanga Police.
Ayon kay Aguirre, dati’y 20 to 30 katao lang ang namo-monitor sa Hinugtan tuwing weekends at holidays. Mas mababa pa kapag weekdays, kung saan marami na ang 16 taong makikita sa baybayin.
“Napakarami ngayon, nabigla nga ang bayan ng Buruanga. Ngayon ang average namin ay 300 tourists a day… ‘pag weekend, Saturday and Sunday, umaabot pa ng 700,” sabi ni Aguirre sa Bandera.
Maituturing na isa sa mga sanhi ng pagdagsa ng turista ang closure o pagsasara sa Boracay, aniya.
“Isa na po ‘yung closure, isa na ‘yun,” ani Aguirre.
“Saka dati, those who really can afford lang ang makakapunta, kasi noon bangka lang ang transportation papunta doon at walang signal.”
Pero kasabay ng pagsikat ng lugar, pinangangambahan din ang sobrang pagdami ng turista at pagkasira ng kalikasan gaya ng sinapit ng Boracay, ani Aguirre.
“Tourism and kaban ng bayan-wise maganda po ito, ‘yung local government unit kasi pino-promote din ang Hinugtan. Nagko-kolekta sila ng P50 environmental fee, so sa kaban ng bayan maganda. Sa amin namang mga pulis, 24/7 ang bantay,” aniya.
“Ang iniiwasan namin sa ngayon dito ‘yung vehicular accidents kasi bagong bukas lang ang daan… sa amin, meron kaming contingency plans kung dadami pa ang turista, ang local government unit naman may 10-year development plan para di matulad sa Boracay ang Hinugtan. Para kasing mga kabute na nagsusulputan ngayon ang mga resort, nagkakaroon pa ng land disputes. Ito ‘yung sakit ng ulo, ika nga, sa aming mga pulis.”
Ayon naman kay SPO1 Nida Gregas, tagapagsalita ng Aklan provincial police, inasahan na ang pagdami ng turista sa Hinugtan mula pa nang maisapubliko ang planong pagsasara sa Boracay.
Bilang bahagi ng contingency plan ng Buruanga Police, dalawang police assistance desk na ang itinayo sa Hinugtan at sa “bukana” ng daan patungo sa beach.
“Naglalagay ako dun ng minimum na apat na pulis at a time sa beach, saka mga pulis din sa bukana. Previously, ‘yung Metro Boracay Task Force may isang platoon sila sa border namin with Malay, minsan kumukuha ako ng dalawang pulis doon para mas madami kami,” ani Aguirre.
Simputi at kasing-pino rin ng buhangin ng Boracay ang buhangin sa Hinugtan at malinis pa ang tubig, pero di kasing haba ng beach at wala pang “nightlife” gaya ng sa isla.
“Kung magkakaroon ng 1,000 sa beach lang dito, sobrang crowded na,” ani Aguirre.
MOST READ
LATEST STORIES