Ayon sa survey na isinagawa mula Marso 23-27, umabot sa 9.8 milyong pamilya (42 porsyento) ang nagsabi na sila ay poor. Mas mababa ito sa 10 milyong pamilya (44 porsyento) na naitala noong Disyembre.
Pinakamarami ang nagsabi na mahirap sila sa Visayas na naitala sa 53 porsyento. Sinundan ito ng Mindanao na 52 porsyento. Sa Metro Manila ang self-rated poor ay 28 porsyento at sa iba pang bahagi ng Luzon ay 40 porsyento.
Sa ilalim ng Duterte government ang pinakamataas na naitala ay 50 porsyento noong Marso 2017.
Ang pinakamababa naman ay 42 porsyento na unang naitala noong Setyembre 2017, ang unang survey sa ilalim ng kasalukuyang gobyerno.
Upang masabi na hindi na sila mahirap, ang dapat nilang gastusin ay hindi bababa sa P13,000 kada buwan para sa pangangailangan ng pamilya kasama na ang pamasahe sa trabaho.
Bumaba naman sa 29 porsyento ang mga Filipino na nagsabi na pangmahirap ang kanilang pagkain. Mababa ito sa 32 porsyento na naitala noong Disyembre.
Sa ilalim ng Duterte government ang naitalang 29 porsyento na ang pinakamababa.
Para masabi na hindi na pangmahirap ang kanilang pagkain kailangan ay gumastos sila ng hindi bababa sa P6,000 kada buwan sa pagkain.
Kinuha sa survey ang opinyon ng 1,200 respondents. Ang survey ay mayroong error of margin na plus/minus tatlong porsyento.