INABSWELTO na ni JM de Guzman ang ex-girfriend na si Jessy Mendiola sa pagkalulong niya sa droga noon na naging sanhi ng pagkasira ng kanyang buhay.
“Hindi ko pwedeng sisihin doon, eh, kasi lahat naman ng tao nagdadaan sa kahit anong problema. Isinisisi ko lahat ng nangyari sa maling choices na ginawa ko to deal with my problems,” ang pahayag ng binata nang makapanayam ng mga reporter sa presscon ng bago niyang serye sa ABS-CBN, ang Precious Hearts Romances Presents Araw Gabi.
Naalala ni JM na nagkita sila ni Jessy sa isang restaurant habang siya’y nasa proseso ng “pagpapagamot” pero hindi raw sila nagkaroon ng chance na magkausap. Alam din daw ng magaling na aktor na masaya na si Jessy ngayon sa boyfriend nitong si Luis Manzano.
Nabigyan uli ng chance si JM na magbida sa serye pagkatapos ng halos dalawang taong pagpapa-rehab kaya naman abot-langit ang pasasalamat niya sa ABS-CBN.
Magsisimula na ang Araw Gabi sa April 30, ito ang papalit sa Hanggang Saan nina Sylvia Sanchez at Arjo Atayde. Makakatambal ni JM dito ang dating PBB housemate na si Barbie Imperial, sa direksyon ni Theodore Boborol mula sa RSB unit ni Direk Ruel Bayani.