DepEd sinisi ng PATAFA

IBINASURA at tuluyang pinawalang saysay ang dapat sanang tatlong bagong national juniors record na naitala sa katatapos lamang na Palarong Pambansa sa Vigan, Ilocos Sur.
Sinabi mismo ni Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) president Philip Ella Juico na hindi maaaring kilalanin bilang mga bagong record ang mga naitala sa Palaro dahil sa hindi tanggap sa world standard ang timing device na ginamit sa Vigan Palaro at hindi rin maberipika ng mga technical staff doon kung tama ngang na-break ang mga national juniors record.
“As far as I am concerned, walang na-break na national juniors record sa Palaro,” sabi ni Juico, na hindi matago ang pagkadismaya sa hindi pagsunod ng Department of Education (DepEd) sa patakaran ng PATAFA lalo na sa timing device na ginamit.
“Bakit nila kami sisihin. They requested for the equipment two days before their tournament. Sila pa ang namimili sa gagamit doon sa equipment eh ang iba dun di qualified. Hindi marunong humawak ng equipment na ganun kamahal at mahirap kung masisira,” sabi pa ni Juico.
Sa athletics ay gumamit lamang ng hand time ang mga technical staff ng Palaro.
Paliwanag naman ni Juico, maaari pa ring kilalanin ang mga record na ito bilang mga bagong Palaro record pero hindi bilang mga national juniors record.
“Hindi na uso ang hand time ngayon. Wala namang na-break na national record. Palaro record pwede, they can keep the record pero palaro record. Hindi namin puwede irecognize ang hand time kundi masususpindi kami ng IAAF for keeping a false record,” aniya.
“We have to keep the sanctity of the national records. We cannot recognize the 100m, 200 hurdles at throw record on the absence of wind gauge and other measuring tools. They must coordinate and respect our rule.”
Hindi rin aniya kumunsulta ang DepEd sa PATAFA lalo na sa kung anong timing device ang dapat gamitin.
Nadismaya rin ang ilang coaches dahil naging “exercise in futility” daw anila ang mga ginawa ng mga batang atleta sa Palaro.
“Sayang ang buong taon na pagsasanay ng mga bata. Gusto nila manalo at makaset ng record pero madidismaya dahil nakagawa nga sila ng record pero hindi naman pala marerecognized,” sabi ng isang coach na nagsabi na huwag siyang pangalanan.
Matatandaang nahigitan ng hurdler na si Eliza Cuyom ng Calabarzon, sprinter Veruel Verdadero ng Calabarzon at javelin thrower Ann Katherine Quitoy ng Western Visayas ng mga kasalukuyang national juniors mark na nakalista sa record book ng PATAFA.
—Angelito Oredo

Read more...