Pinoy gusto ng mataas sa sahod, murang bilihin at bawas kahirapan

ANG pagpapataas ng sahod, pagkontrol sa pagmahal ng bilihin at pagbawas sa kahirapan ang tatlong pangunahing isyu na nais ng publiko na tugunan ng gobyernong Duterte, ayon sa survey ng Pulse Asia.
Sa survey noong Marso 23-28, tinanong ang mga respondent kung ano ang mga isyu na nais nila na agad na matugunan ng gobyerno.
Sumagot ang 50 porsyento ng pagpapataas ng sahod, mas mataas sa 39 porsyento na nakuha nito sa survey noong Disyembre.
Ang pagkontrol sa presyo ng mga bilihin naman ang Pumangalawa na nakakuha ng 45 porsyento, tumaas ng dalawang porsyento mula sa pinakahuling survey noong 2017.
Pangatlo naman ang pagbawas sa kahirapan ng maraming Filipino na nakakuha ng 35 porsyento mula sa 30 porsyento.
Sumunod naman ang paglikha ng maraming trabaho na nakapagtala ng 32 porsyento, hindi nagbago sa naunang survey.
Sinundan naman ito ng paglaban sa kriminalidad na bumaba ng isang porsyento at nasa 27 porsyento at paglaban sa katiwalian sa gobyerno na 22 porsyento mula sa 32.
Sumunod ang pagpapalawig ng kapayapaan (22 porsyento), pagbawas sa binabayarang buwis (15 porsyento), pagbibigay ng proteksyon sa overseas Filipino workers (13), pantay na pagpapatupad ng batas (10), pangangalaga sa kalikasan (10), pagkontrol sa populasyon (7), pagtatanggol sa teritoryo ng bansa (6), paglaban sa terrorismo (4), at pagpapalit ng Konstitusyon (3 porsyento).

Approval rating
Pinakamataas naman ang approval rating na nakuha ng gobyerno sa pagsaklolo sa mga nasalanta ng kalamidad (86 porsyentong approve, 12 undecided at 2 disapprove), pagtulong sa mga OFW (84 approve, 12 undecided at 4 disapprove), at paglaban sa kriminalidad (81 approve, 12 undecided 7 disapprove).
Sa pagpapalawak ng kapayapaan sa bansa ang gobyerno ay nakakuha ng 71 porsyentong approve, 23 undecided at 5 disapprove; sa pantay na pagpapatupad ng batas ay 71 approve, 21 undecided at 7 disapprove; pagsagip sa kalikasan ay 71 approve, 20 undecided at 9 disapprove.
Sa pagpapataas ng sahod ay 68 approve, 24 undecided at 8 disapprove; sa paglaban sa katiwalian ay 70 approve, 18 undecided at 12 disapprove; paglikha ng trabaho 67 approve, 23 undecided at 9 disapprove; pagtatanggol sa teritoryo ng bansa 67 approve, 23 undecided at 10 disapprove.
Pagbawas sa kahirapan ay 63 approve, 29 undecided at 18 disapprove at pagkontrol sa pagtaas ng presyo ng bilihin ay 39 approve, 28 undecided at 33 disapprove.
Kinuha sa survey ang opinyon ng 1,200 respondent. Mayroon itong 95 porsyentong confidence level at plus/minus tatlong porsyentong error of margin.

Read more...