TNT KaTropa isasabak agad si Romeo vs GlobalPort Batang Pier

 

TERRENCE Romeo

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Blackwater vs Columbian Dyip
6:45 p.m. TNT KaTropa vs GlobalPort

AGAD na makakatapat ni Terrence Romeo sa pagsusuot ng bago nitong uniporme bilang TNT KaTropa ang dating koponan na GlobalPort Batang Pier sa pagbubukas ngayon ng import-reinforced na 2018 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Una munang magsasagupa para sa unang panalo ang Blackwater Elite at Columbian Dyip, na dating Kia Picanto, sa ganap na alas-4:30 ng hapon bago sundan ng salpukan ng KaTropa at Batang Pier sa ikalawang laro alas-6:45 ng gabi.

Asam ng Blackwater makaahon sa mababa nitong ika-11 puwesto na pagtatapos sa huling kumperensiya matapos magtala lamang ng 2-9 panalo-talo kartada habang pilit din pagagandahin ng Columbian Dyip ang masaklap nito na kampanya matapos na maging ika-10 sa nauwi lamang na 3-8 panalo-talo kartada.

Ipaparada muli ng Elite bilang import ang American-Lebanese at naglaro sa college basketball para sa Westchester Community College at University of South Florida na si Jarrid Jerome Famous sa pagnanais nitong makatuntong sa susunod na yugto ng torneo.

Ang Columbian Dyip ay bibitbitin ng baguhan sa liga na 6-foot-9 na si C.J. Aiken.

Si Aiken ay hindi na-draft sa 2013 NBA Draft subalit nakasama sa Sacramento Kings sa Las Vegas Summer League at pinili ng Texas Legends bilang ikalimang overall pick sa 2013 NBA Development League draft.

Ang losing finalist noong 2017 Commissioner’s Cup na TNT ay ipaparada si Jeremy Miles Tyler sa nais nito na muling makabalik sa Finals.

Si Tyler ay napili bilang 39th pick noong 2011 NBA Draft ng Charlotte Bobcats subalit agad inilipat sa Golden State Warriors. Sunod na nalipat si Tyler sa Atlanta Hawks noong 2013.

Aasa naman ang GlobalPort sa dating import nitong si Malcolm White sa pagnanais na mapaangat pa lalo ang 4-7 panalo-talo kartada at pagtatapos na ikapitong puwesto.

Gayunman, tampok ang pakikipagharap ng naging miyembro ng Gilas Pilipinas na si Romeo na makakasama na sa KaTropa kontra sa dati nitong koponan na Batang Pier. Matatandaang ipinamigay ng Batang Pier si Romeo matapos itong makipagsigawan sa kanyang coach na si Pido Jarencio sa huli nilang laro noong Philippine Cup.

Ipaparada ng Alaska Aces ang import nito na si Antonio Campbell habang pinalitan ng Barangay Ginebra Gin Kings ang dati nitong import na si Shane Edwards sa pagkuha kay Charles Garcia.

Ang Magnolia Hotshots ay sasandigan ang balik-import na si Vernon Macklin habang ang Meralco Bolts ay makakasama muli si Arinze Onuaku.

Pinalitan ng NLEX Road Warriors ang unang import sa pagkuha nito kay Adrian Forbes habang ang Phoenix Fuel Masters ay nagdesisyong umasa kay James White habang ang Rain or Shine Elasto Painters ay kinuha si Reggie Johnson.

Ang grand slam seeking na San Miguel Beermen ay ipaparada naman si Troy Gillenwater.

Read more...