3 PH junior records nabura sa 2018 Palarong Pambansa

ILOCOS Sur — Hindi pa man tapos ang ginaganap na 2018 Palarong Pambansa rito ay tatlong Philippine junior athletics record na ang nabura na bihirang mangyari sa isang edisyon lamang.

Una rito ang itinala ng 15-anyos na Grade 11 student ng Dasmariñas Integrated High School na si Eliza Cuyom ng Region IV-A sa itinala nito na 14.50 segundo sa finals ng 100-meter hurdles Huwebes upang tabunan ang dating record ni Michelle Patasaha ng Western Mindanao na 14.9 segundo na naitala noong 1996 sa General Santos City.

Nagawa nitong itala ang bilis na 14.73 segundo sa trials para burahin ang Palaro record bago tuluyang tabunan din ang 18-taong national juniors record ni Julie Rose Forbes na 15 segundo (hand time) noong Mayo 5, 2000 sa Philippine National Open.

Itinala rin ni Ann Katherine Quitoy ng Western Visayas ang bagong record sa secondary girls javelin throw sa layo na 45.72 metro gamit ang 600 gram spear noong Lunes upang tabunan ang dating record ni Sylvian Faith Abunda ng Northern Mindanao na 42.85 metro noong 2017 Antique Palaro.

Ang inihagis ni Quitoy ay sapat din upang mabura ang 20-taong national girls junior record ni Rosie Villarito na 44.54 metro na kanyang nagawa sa National Open noong Hunyo 1998.

Ikatlong nabura na national junior record ang secondary boys 100m dash mula kay Veruel Verdadero ng Region IV-A na nagtala ng 10.55 segundo noong Miyerkules. Una nitong itinala ang 10.65 segundo para tabunan ang 2016 Albay Palaro record ni Feberoy Kasi ng SRAA na 10.74 segundo.

Ang oras ni Verdadero sa finals ay tumabon sa 39-taong record ni Julio Bayaban na 10.6 segundo na naitala noong December 19, 1979 National Open na isinagawa sa Marikina.

Nagtala rin ng sariling kasaysayan si Trixie Jane Willy ng Region IV na isinumite ang 16.30 segundo sa elementary girls 100m hurdles upang burahin ang dating record ni Jesusa Ampunan ng BRAA na 16.4 segundo na naitala noong 2010 Tarlac Palaro.

Hindi nagpaiwan sa record breakers si Jessel Lumapas ng Region IV-A sa secondary girls 400m sa tiyempo nitong 56.28 segundo upang burahin ang dating Palaro record na hawak ni Jenny Rose Rosales ng Southern Tagalog Region na 57.33 segundo sa 2011 Dapitan City Palaro.

Kasali rin si Avegail Beliran ng Region VI sa pagtala ng bagong record sa elementary girls javelin throw sa inihagis na 41.46 metro na tumabon sa dating record na 40.63m na itinala ni Gia Bucag ng CVRAA noong 2010 Tarlac Palaro.

Tinalon naman ni Kent Brian Celeste ng Region 1 ang 1.99m sa secondary boys high jump upang tabunan ang dating record na 1.95 metro ni Alexis Soqueño ng Western Visayas na ginawa niya noong 2015 Tagum City Palaro.

Nabura rin ni Ernie Calipay ng NCR ang dating high jump record sa tinalon na 1.96 metro
upang makuha ang pilak.

Si Ed Deliña ng Region II naman ang may hawak ng bagong secondary boys discus throw mark sa inihagis na 42.67m na tumabon sa dating record ni Clifford John Bontoc ng Region VII na 41.62m na itinala noong 2005 Iloilo Palaro. Nabura rin ni John Rafael Lamatan ng Region IV-A ang dating record sa itinala nitong 41.85m subalit nagkasya na lamang sa pilak na medalya.
— Angelito Oredo

Read more...