NAPATUNAYAN ni Sylvia Sanchez na magaling talagang aktor ang kanyang anak. Pero ang mas ipinagmamalaki niya ay ang professionalism nito at ang pagiging marespeto sa mga katrabaho.
Sa finale/thanksgiving presscon ng afternoon series ng ABS-CBN na Hanggang Saan, sinabi ni Ibyang na bilang ina very proud siya mga achievements ng anak nila ni Art Atayde.
“Ang sinasabi ng lahat, magaling si Arjo but modesty aside, magaling nga siya. At pag nag-focus pa lalo si Arjo at mahalin lang niya nang sobra ang trabaho niya, mas meron pa siyang ibibigay,” ani Ibyang.
Ano naman ang reaksyon ni Arjo sa papuri ng ina, “Of course, I’m happy. Thankful na nakasama ako sa project na ito. And everyone here is professional and si Mommy, she’s always been a good actress and actually, lahat sila, pag nakakaeksena ko, not only my Mom.”
Samantala, nagpapasalamat sa Diyos si Sylvia dahil lahat ng advice at pangaral na ibinibigay niya kay Arjo ay sinusunod nito, “Sina-sample ko lagi sa kanya ang sarili ko, nun’g bago ako, hanggang narating ko ‘to. ‘Yun ‘yung inuumpisahan ko lagi sa kanya.
“Tapos, ito lang, parati ko namang sinasabi sa kanya, pakikisama, huwag pasaway, maging professional, galingan, mahalin ang trabaho at higit sa lahat, huwag mamili ng tao sa set, ke boss ‘yan, ke BUH ‘yan, ke utility ‘yan. ‘Yun ang sinasabi ko sa kanya,” sabi pa ng award-winning actress.
Samantala, tinanong din si Arjo kung ano pang role ang naiisip niyang gampanan sakaling magsama sila uli ng ina sa isang proyekto. “Gusto ko siyang maging barkada, yung babatukan. Hayup ka!”
Hirit naman ni Ibyang, “Ganyan talaga ang pangarap niya, ‘Mommy, gusto kong magkaroon (ng show) na sasapakin kita’, kasi hindi na challenge sa akin ‘yung sasapakin siya.
“Kasi minsan, ‘di ba, sa totoong buhay, ako nanay niya, pag nagkamali siya, sinasapak ko siya talaga, eh. So, hindi na bago sa akin. Siya ‘yung excited. ‘Mommy, sana, masapak kita.’ Sabi ko, go!” pahayag pa ni Sylvia.
Singit uli ni Arjo, “Honestly, I always look forward to something new. I don’t wanna repeat any role, I don’t wanna repeat anything similar. So, whatever is new, I will go for it.”
q q q
Samantala, sa nalalapit na pagtatapos ng Hanggang Saan sa Kapamilya Gold, hanggang saan nga ba matutumbasan ng anak ang lahat ng sakripisyo ng kanyang ina upang makamit ang hustisyang kanilang inaasam?
Ito na ang pagkakataon nina Paco (Arjo), Domeng (Yves Flores) at Anna (Sue Ramirez) na ipakita ang wagas nilang pagmamahal para sa kanilang mga inang sina Sonya (Sylvia) at Jean (Teresa Loyzaga) ngayong ang ina naman nila ang malalagay sa bingit ng peligro.
Hindi magiging hadlang ang rehas upang maisakatuparan ni Jacob (Ariel Rivera) ang kanyang paghihiganti dahil ipasusunog niya ang bahay ni Sonya at pasasabugin ang isang gusaling kinaroroonan ni Paco upang siguruhing mawala sa landas niya ang lahat ng hahadlang sa kanyang mga plano.
Magiging mahirap din ang daan tungo sa hustisya ni Jean dahil nakatakda na ring madiskubre ni Jacob na siya ay buhay pa at nagpanggap lang na patay.
Ito ang magiging pinakamatinding pagsubok kina Paco, Domeng at Anna dahil ang mga ina naman nila na dating nagbibigay sa kanila ng lakas ang kanila namang tutulungang bumangon at lumaban.
Paano nga kaya mapapabagsak ng mag-iinang sina Sonya, Paco, Domeng, Jean at Anna si Jacob?
Mula nang umere ang Hanggang Saan, patuloy na itong inuulan ng papuri mula sa mga manonood.
Kinabibiliban din ang mahusay na pagganap ng cast, kaya naman araw-araw itong inaabangan at nangunguna sa national TV ratings.
“Walang katulad ang Hanggang Saan. Ito lang ang serye na pinag-iisip talaga ang mga tao. Hindi rin ito predictable at logical ang twists. Upgrade ito sa mga teleserye ng ABS,” sabi ng Twitter user na si @powra_.
“Walang perpektong pamilya o magulang, pero mayroong wagas na pagmamahal. Ang pagmamahal ng isang ina na gagawin ang lahat para sa ating kaligtasan,” sey ni @chrisardimer.
Huwag palampasin ang huling dalawang linggo ng Hanggang Saan sa ABS-CBN Kapamilya Gold.