KUNG pagbibigyan ni K Brosas ang lahat ng kaibigang artists na mag-guest sa kanyang “18K For 2018” concert sa KIA Theater ngayong darating na Abril 28, ay baka umabot na sa mahigit dalawang oras ang show.
Dito raw nalaman ni K na ganu’n pala karami ang nagmamahal sa kanya at handang sumuporta sa kanyang major concert na bahagi nga ng 18th anniversary celebration niya sa showbiz.
Mabait, mahusay makisama at totoong tao kasi si K kaya maraming nagmamahal sa kanya. Nakilala namin ang singer/actress noong i-launch ang album ng Gladys and the Boxers with K. Gustung-gusto namin ang kanta nilang “Sasakyan Kita”.
Pumatok ito nang husto sa publiko na halos araw-araw pinatutugtog sa mga FM radio stations. Kinakanta rin ito sa halos lahat ng sing-along bars.
Hanggang sa nagkahiwa-hiwalay na ang apat na miyembro ng grupo at nagkanya-kanya na ng career.
Sinuwerte naman si K dahil kaliwa’t kanan ang kanyang TV guestings at mga concert sa ibang bansa.
Bukod dito ay nakasama rin sa series of shows sa iba’t ibang bansa ni K ang mga kaibigan niyang sina Chokoleit, Pooh at Pokwang kaya nakabuo na rin sila ng sarili nilang grupo, at pamilya na rin ang turing nila sa isa’t isa. Sa katunayan, magkukumare na sila nina Pooh at Chokoleit sa anak nina Pokey at Lee O’Brian.
At sa rami na ng shows na nagawa ni K ay alam na niya ang gusto niyang mangyari sa concert niyang “18K For 2018”. Sabi nga ng stage director niyang si John Prats ay sobrang hands on ang singer sa show.
Bumilib naman si K kay John nang mapanood niya ang concert ni Moira noong Pebrero sa KIA Theater.
“Ang ganda ng visuals, maiintindihan mo pag bago ka palang lalo na pag direktor, ‘yung passion niya matindi. Tapos ang ganda ng unang meeting namin kasi ang dami naming gustong ilagay kaya exciting itong concert,” kuwento ni K.
Dagdag pa niya, “Ang sakit sa braincells pag ang dami mong ideas. Ang pangarap ko lang naman dito, na pag napanood ng tao sasabihin nila, ‘Wow, iba ito.’
“Kokonti kasi ang nakakaalam na singer ako, alam nila komedyana ako pero pag napanood nila ito, sasabihin ng tao, ‘Ay sulit na sulit ang ibinayad, hindi lang puro patawa, hindi lang puro kanta, balance na balance siya.”
Makakasama niya sa concert bilang special guests sina Zsa Zsa Padilla, Jaya, Pooh, Chokoleit, Kyla, Angeline Quinto at Regine Velasquez. Sayang nga raw at wala si Lani Misalucha na gustung-gusto rin niyang makasama.
“Lahat ng guest ko, may idea na ako kung anong gagawin nila kaya abangan yan ng lahat,” say ni K.
Siniguro rin ni K na mag-eenjoy ang lahat sa concert niya dahil 50% comedy at 50% performance ang mapapanood ng audience.
At curious kami kung ano ang ise-share ni K tungkol sa personal niyang buhay sa mga manonood ng “18K For 2018” produced by Cornerstone Concerts.