BAGAY palang maging abogado si Arjo Atayde, ang karakter niya ngayon sa Kapamilya seryeng Hanggang Saan bilang Atty. Paco Alipio. Gagawin niya ang lahat para madiin ang akusadong si Jacob (Ariel Rivera).
Akala namin ay kami lang ang nakakapansin na bagay sa aktor ang papel na abogado, marami rin pala lalo na ang TFC subscribers na nanonood parati ng Hanggang Saan.
Puring-puri ng viewers si Arjo lalo na kapag magkaeksena sila ni Ariel na kilala ring magaling na artista. Gustung-gusto nila ang angas nito kapag nasa korte.
Base sa umereng kuwento ng HS nitong Biyernes, Abril 13 ay subtle ang pandidikdik ni Paco kay Jacob kung saan ipinakita ng una ang palitan nila ng mensahe ng asawang si Jean (Teresa Loyzaga).
“The Devil is in the detail,” ito ang sabi ni Paco kay Jacob nang hindi siya makasagot sa tanong ng abogado kung paano niya nalaman kung saan nagpunta nu’ng gabing mabaril si Edward Lamoste (Eric Quizon) dahil maski sariling asawa ay hindi alam pati na mga pulis at media. At nagawa pa raw nitong magtanong ng, “Is he still alive?”
Natulala si Jacob dahil nagbalik na sa alaala niya lahat ng ginawa niya noong namatay si Edward at kahit na anong tawag sa kanya ng abogada niya ay hindi niya pinapansin kaya humingi ng recess ang tagapagtanggol ng nasasakdal.
Ang saya-saya naman ng pamilya ni Paco na sina Sonya (Sylvia Sanchez), kapatid na si Domeng (Yves Flores) at si Anna (Sue Ramirez) kasama ang inang si Jean, Yaya Letty (Ces Quesada) dahil napatameme ng una si Jacob.
“He’s a rockstar,” say naman ni Anna at niyakap naman ni Jean ang ex-boyfriend ng anak dahil sa napakahusay nitong pag-cross examine kay Jacob.
Going back to Arjo, ma-inspire kaya siya sa karakter niyang abogado at ito na rin ang kunin niyang kurso kapag bumalik siya sa pag-aaral?
Samantala, abangan ang huling dalawang linggo ng Hanggang Saan sa ABS-CBN dahil hindi pa rin titigil si Jacob na gumanti dahil may mga inutusan siyang mga tao para sirain ang buhay ng mga Alipio at si Anna na inakalang nag-iisa na lang sa buhay dahil nga inakalang patay na si Jean.