Lydia De Vega-Mercado kinilalang Palaro Lifetime Achievement Awardee


VIGAN City, Ilocos Sur — Kinilala ang inspirasyon at ehemplo ng minsan tinaguriang Asia’s Sprint Queen na si Lydia De Vega-Mercado Linggo ng hapon matapos parangalan bilang ikalawang Palarong Pambansa Lifetime Achievement Awardee sa pagbubukas ng torneo sa Elpidio Quirino Stadium.

Isa sa matagumpay na produkto ng athletics sa Palaro ang 54-anyos mula Meycauayan, Bulacan na si De Vega-Mercado na naglaro sa pambansang kompetisyon simula 1976 hanggang 1978. Agad itong nakapagtala ng mga mabibilis na oras sa sprint event upang mapabilang sa mga miyembro ng national youth team.

Ang mga anak nito na sina Stephanie Mercado, na naglaro rin sa Palaro at naging miyembro ng national women’s volleyball team, at Jonathan ang tumanggap ng simbolo ng rekognisyon para sa dating miyembro ng Gintong Alay na kasalukuyang isa sa mga teacher sa athletics sa isang unibersidad sa Singapore.

Naging patunay sa pagiging Asia’s Sprint Queen at Asia’s fastest women ni De-Vega Mercado ang pagtala ng record sa 100m run na tumagal ng walong taon simula noong 1982 hanggang 1990 habang kasalukuyan pa rin nitong hawak ang SEA Games at Philippine record sa 100m na 11.28 segundo simula 1987.

Dati rin nitong hawak ang record sa 200m run na 23.35 segundo sapul noong 1987 hanggang 2001 at ang pinakahuli ay ang 32-taon nitong national record sa 400m run na nabura lamang ni Jennyrose Rosales mula sa University of the East nito lamang 2013.

Ilan sa mga naging tagumpay ni De Vega ay ang pagkamit ng dalawang ginto at isang pilak sa dalawang edisyon ng Asian Games. Nagwagi ito ng ginto sa 1982 at 1986 Asian Games 100m run pati sa 100m at 200m run noong 1983 at 1987 Asian Athletics Championship. Nakasali rin siya sa 1984 at 1988 Olympic Games kung saan nakatuntong ito sa quarterfinals.

Nagawa rin magwagi ni De Vega-Mercado ng siyam na gintong medalya at dalawang pilak sa limang beses na pagsabak sa Southeast Asian Games sa 100m, 200m, 400m, at long jump event. Dagdag pa rito ang apat na ginto, isang pilak at apat na tanso sa lima nitong Asian Track & Field meet.

Read more...