Multa sa driver ng motorsiklo na hindi naka-on ang headlight kapag araw

 Inaprubahan na ng House committee on Transportation ang panukala na nagmamando sa mga driver ng motorsiklo na buksan ang headlight kahit na araw.
      Layunin ng panukalang “Mandatory Automatic Headlights On for Motorcycles Act” (House bill 1318) na mabawasan ang aksidente sa kalsada dahil hindi nakita ang isang paparating na motorsiklo.
    Sa ilalim ng panukala, kailangang buksan na ang headlight ng isang motorsiklo kapag binuksan na ang makina nito.
    Upang masunod ito, ang mga manufacturer at gumagawa ng motorsiklo ay kailangang maglagay ng Automatic Headlights On System o mekanismo para hindi na kailangan pa itong buksan ng driver.
    Ang headlight ng isang motorsiklo ay dapat ding nakikita ng hindi bababa sa layong 30.5 metro.
    Hindi mairerehistro ang mga motorsiklo na mahina ang liwanag ng headlight.
    Ang mga lalabag ay pagmumultahin ng P1,000 hanggang P2,000 sa unang paglabag, P2,500 hanggang 3,000 sa ikalawa at P3,500 hanggang 5,000 at isang buwang suspensyon ng lisensya sa ikatlo at susunod na paglabag.
    Ang mga manufacturer na hindi magkakabit ng automatic headlight on system ay pagmumultahin ng P10,000 hanggang P50,000 at suspensyon ng dalawa hanggang limang taon.

Read more...