KINAKALAMPAG kami ng mga tanong kung bakit pinatay si Liza Soberano bilang si Ganda sa seryeng Bagani. Ano raw ‘yun, bumibida, pagkatapos ay papatayin?
Ang lagi lang naming tugon ay hindi puwedeng mangyari ‘yun, maaaring lilipat lang sa ibang mundo ang bida, pero buhay na buhay pa rin.
Kumbaga ay parang nakalutang lang muna (in limbo, kunwari) ang karakter ni Ganda, pero siguradong babalik pa rin siya bilang isang Bagani, para muli silang magkasama ng kanyang mahal na si Lakas (Enrique Gil).
Nu’ng isang araw ay dumalaw sa amin ang manager ni Liza na si Ogie Diaz, kauuwi lang nito at ng kanyang pamilya mula sa pagbabakasyon sa Korea, si Ogie ang dapat sumagot sa tanong ng bayan kung bakit pinatay na si Ganda sa Bagani.
Puro tawa lang ang isinasagot sa amin ng manager ng magandang young actress, parang mas gusto pa nitong pag-usapan ang seryeng pinagsasamahan nila ni Erich Gonzales, abangan na lang daw ng manonood kung ano ang susunod na magaganap sa Bagani.
Sabi namin kay Ogie ay walang mali sa itsura ni Liza Soberano. Sa mga close-up shots ng dalaga sa Bagani ay wala siyang maling anggulo, napakaganda talaga ng dalaga, duguan na at hirap na hirap ay magandang-maganda pa rin si Liza Soberano.
Nagsasalita talaga ang tunay na kagandahan sa kahit anong eksenang ginagawa ng young actress.