DADALO sa ikalawang sunod na taon si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa gaganapin na opening ceremonies ng ika-61 taon ng Palarong Pambansa bukas sa isa sa tinaguriang World Heritage Site na Vigan City, Ilocos Sur.
Ito ang napag-alaman mismo kay Philippine Sports Commission (PSC) officer-in-charge Ramon Fernandez kung saan imbitado rin ang apat na iba pang opisyales ng ahensiya sa aktibidad na katulong ang ahensiya ng nag-oorganisa sa kada taong torneo na Department of Education (DepEd).
“Mahal talaga ni Pangulong Digong (Duterte) ang mga kabataan, lalo na ang mga atleta. Gusto talaga niya na maiiwas sila sa droga,” sabi ni Fernandez, na makakasama ang kapwa PSC commissioner na sina Arnold Agustin, Charles Raymond Maxey at Fatima Celia Hicarte Kiram.
Matatandaan na agad na dumalo ang Pangulong Duterte ilang buwan pa lamang sa pagkakaupo nito sa posisyon at agad na binigyang inspirasyon ang libong kabataan na dumalo mula sa kabuuang 18 rehiyon sa kompetisyon na ginanap sa San Jose de Buenavista, Antique.
Ito ang ikatlong pagkakataon na isasagawa ang Palaro sa Vigan matapos na ganapin ito dito noong 1953 at 1973. Gaganapin naman ang opening ceremony sa Quirino Stadium sa Bantay, Ilocos Sur.
Inaasahan na ang makukulay na cultural presentation at tradisyunal na gagawing stunts upang maaliw ang dadalo na 15,000 atleta, coaches, magulang at bisita gayundin sina DepEdu secretary Leonor Briones at mga opisyales ng 17 kasaling rehiyon.
Igagawad din ang ikalawang tatanggap ng pagkikilala bilang Palarong Pambansa Lifetime Achievement Award na unang natanggap ng track and field legend na si Elma Muros-Posadas bilang modelo ng isang atleta na nagawa na makapagkita ng hindi lamang tagumpay sa larangan ng sports kundi sa personal at propesyonal na career.
Magsasagupa ang mga student athletes mula sa ibinalik sa orihinal na 17 athletic associations na inirerepresenta ang 17 rehiyon sa Pilipinas sa pagsabak sa iba’t-ibang sports at disiplina na binubuo ng regular na archery, arnis, aquatics, athletics, badminton, baseball, basketball, boxing, chess, football, futsal, gymnastics, sepak takraw (boys), softball, table tennis, taekwondo, lawn tennis at volleyball (indoor).
Paglalabanan din ang pitong demonstration sports ngayong taon na aerobic gymnastics, cue sports o billiards, dancesport, pencak silat, sepak takraw (girls), wrestling at wushu.
Gaganapin din ang Special Para Games na may apat na sports na gagawin na swimming, bocce, goalball at athletics.