Edad para sa pagreretiro ng mga hinete, binabaan

IBINABA ng Social Security System (SSS) ang edad sa compulsory retirement ng propesyonal na hinete mula sa dating 60 taong gulang sa 55 anyos alinsunod sa Republic Act 10789 o Racehorse Jockeys Retirement Act.

Batay sa RA 10789, ang pinababang edad ay para bigyan ng proteksyon ang mga hinete mula sa mga kaakibat na panganib ng kanilang trabaho na maaaring maging sanhi ng matinding pinsala, kapansanan o kamatayan.

Bilang konsiderasyon sa mga panganib bilang hinete, binibigyan sila ng pagkakataon ng bagong patakaran na pakinabangan ang kanilang benepisyo sa pagreretiro ng mas maaga kaysa sa ibang miyembro ng SSS,

Sa inilabas na Department of Labor and Employment (DOLE) Order No. 169, saklaw ng pinababang edad sa pagreretiro ng mga hinete ang mga nagtrabaho at sertipikado lamang ng isang employer na lisensyado ng Philippine Racing Commission.

Kailangan ay nagtrabaho rin ang hinete nang hindi bababa sa limang taon, tuloy-tuloy man o hindi, bago ang semestre ng pagreretiro at may aktwal na petsa ng pagreretiro na hindi mas maaga ng Mayo 24, 2016, ang petsa kung kailan naging epektibo ang Racehorse Jockeys Retirement Act.

Subalit, binibigyang-diin ng DOLE Order na ang edad na 55 taon para sa compulsory retirement ay angkop lamang kung walang aprubadong retirement plan ang isang employer.

Maliban sa requirements na binigay ng DOLE, kinakailangan din na nakapagbayad ng 120 kontribusyon ang hinete para makatanggap ng buwanang pensyon sa SSS. Ang mga nakapaghulog ng mas mababa sa 120 ay makakakuha ng lump sum benefit, ngunit sila ay may opsyon na huwag munang magpasa ng kanilang retirement claim at kumpletuhin ang kinakailangang 120 kontribusyon para makatanggap ng buwanang pensiyon.

Kung ang hinete ay 55 anyos na at nagretiro ng hindi mas maaga sa Mayo 24, 2016 pero hindi pa niya kumpleto ang kinakailangang 120 buwanang kontribusyon, maaari siyang magpatuloy sa paghuhulog sa SSS. Ang kanyang retirement date sa SSS ay ang buwan pagkatapos ng semestre ng kanyang ika-120 na kontribusyon

Bilang halimbawa, ang isang hinete na nagretiro matapos ang Mayo 24, 2016ngunit nagpatuloy magbayad sa SSS at nakumpleto ang kinakailangan 120 buwanang kontribusyon ng Disyembre 2019 ay maaaring mag-file ng SSS retirement claim sa April 2020.

Sa ngayon, tanging ang underground at surface mineworkers lamang na ang aktwal na petsa ng pagreretiro ay hindi mas maaga ng Abril 27, 2016 ang may optional retirement sa edad na 50 at mandatory age na 60 taon alinsunod sa Republic Act 10757.

Para sa ibang detalye ng pagreretiro ng mga hinete, tumawag sa SSS Call Center sa numerong 920-6446hanggang 55 o mag-email sa member_relations@sss.gov.ph.

SSS President and Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc
SSS MEDIA AFFAIRS DEPARTMENT
(02) 9206401 local 5050, 5052-55, 5058
7th floor SSS Building, East Avenue,
Diliman, Quezon City

Read more...