Ayon kay ACTS-OFW Rep. Aniceto Bertiz III, darating si Fahima Alagasi sakay ng Philippine Airlines Flight PR 655, na inaasahang lalapag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 alas-10:05 ng umaga.
Si Bertiz ang nakiusap kay Pangulong Duterte upang kausapin si Saudi Prince at Interior Minister Abdulaziz bin Saud bin Naif nang bumisita ito sa Malacanang noong Marso para ayusin ang kaso ni Alagasi.
Hindi makauwi si Alagasi sa bansa dahil sinampahan siya ng kasong slander ng kanyang amo nang mag-viral ang kalunos-lunos na litrato niya sa Facebook.
Pumayag ang Saudi Prince at siya na ang nagbayad ng 250,000 Saudi Riyal na hinihingi ng employer.
Sa Sabado ay nakatakdang bumiyahe si Fahima patungong Davao City. Mula roon ay tatawagan niya si Pangulong Duterte. Dinala rin sa Davao ang kanyang pamilya mula sa Pikit, Cotabato.
Si Alagasi ay binuhusan ng kumukulong tubig habang pinupulot ang takip ng thermos dahil natagalan siya sa pagtitimpla ng kape. Nalapnos ang kanyang balat mula sa leeg hanggang sa hita.
Tumagal din ng dalawang oras bago siya pinayagan na umalis ng bahay para pumunta sa ospital.