Dennis Padilla: Kapag inulit pa niya ‘yun, magiging action star na talaga ako! 

MALUHA-LUHA ang komedyanteng si Dennis Padilla nang makachikahan ng ilang miyembro ng entertainment press kahapon sa taping ng sitcom na Funny Ka, Pare Ko na napapanood sa CineMo ng ABS-CBN TVPLus.

Ito’y matapos ngang matanong tungkol sa relasyon ng kanyang anak na si Julia Barretto sa boyfriend nitong si Joshua Garcia. Inamin ng binata na nag-away sila ni Julia nang dahil balitang nakikipag-flirt siya sa ibang babae na wala naman daw bahid ng katotohanan.

Ayon kay Dennis, talagang nagiging emosyonal siya kapag mga anak na niya ang involved sa anumang isyu, lalo na kay Julia na talagang bahagi na ngayon ng makulay ngunit magulong mundo ng showbiz. Ayon sa komedyante, tinanong na niya ang anak noong makasama niya ito noong Holy Week tungkol sa mga tsismis sa kanila ni Joshua.

“Wala akong alam, eh. Kaya lang may mga nagkukuwento sa akin. So ako hindi naman ako basta naniniwala, so gusto kong magtanong. Eh di ‘yun tinanong ko siya, ‘Nagkikita pa ba kayo ni Joshua?’ Sabi niya, ‘oo naman Pa, kaya lang busy ako sa work, busy rin siya sa taping.’ Ah, oo nga pala may teleserye rin siya. So I felt na ayaw niya i-discuss so pinutol ko na lang din out of respect.

“Tsaka adult na ‘yang mga ‘yan eh. Pero nu’ng pictorial nga namin para dito (Funny Ka, Pare Ko 5thseason), medyo iba na ‘yung narinig ko, so na-confirm ko totoo pala na nagkaroon ng problema,” pahayag ni Dennis.

Pagpapatuloy pa ni Dennis, “‘Di ba meron akong previous interview o guesting sa Magandang Buhay and then nag-guest si Joshua and si Julia. So during their interview, ni-replay yung portion ng interview ko about him. Ang sabi ko du’n, basta huwag mo lang lolokohin ‘yung anak ko, ‘wag mong sasaktan ang anak ko. Kaya lang nagiging action star ako if you’ll do otherwise.

“Tapos natuwa naman ako du’n sa sagot niya na, ‘Ah naiintindihan ko naman Tito Dennis, pero hindi ka magiging action star.’ Kaya ayun lang ang message ko kay Joshua, siguraduhin mong hindi ako magiging action star kasi anak ko ‘yan alam mo ‘yun,” sey pa ni Dennis.

Inamin din ng komedyante na nagkaroon sila ng man-to-man talk ni Joshua last year, “Father’s Day ‘yun hindi ko makakalimutan. Nag-usap tayong dalawa, lalaki ka, lalaki ako. So kung magkakaroon ng problema, kausapin mo rin ako kasi nag-usap tayo ‘di ba? Iba ‘yung nag-uusap nang personal kaysa sa nababalitaan mo lang. Eh, siyempre ayoko namang gawing basis ang kwento. Gusto ko du’n sa tao mismo (manggaling).”

Diretso ring sinabi ni Dennis na disappointed siya sa ginawa ni Joshua kay Julia, “Oo naman (sumama ang loob). Siyempre anak mo, ‘yun eh. Anyway, kung ano man ang problema niyo, matatanda na naman kayo, puro kayo mga adult na. Alam niyo na ang dapat gawin.”

Narito naman ang kanyang mensahe sa anak nila ni Marjorie Barretto, “Kung alam mong hindi ka na masaya, umalis ka na diyan. Ngayon kung masaya ka pa, maintain ka lang. Ganu’n lang ‘yun eh, kung masyado nang mainit sa kusina, anong gagawin mo? Umalis ka na sa kusina. Pero kung kaya mo pa ‘yung init at masaya ka pa, stay with him.”

Gusto ba niyang makausap pa nang personal si Joshua pagkatapos ng nangyari? “Oo naman, mag-sorry lang sa akin, okay na ‘yun. Sabihin niya, ‘Sorry, Tito Dennis.’ Kapag inulit niya ‘yun magiging action star na talaga ako. Wala nang makakapigil nu’n. Tsaka hindi na ako nagpapatawa nun.”

“Pero sa narinig ko, okay na naman daw. So, ayun good luck sa JoshLia, bigyan po natin sila ng isa pang pagkakataon at masaya po ang partnership nila at alam kong mahal na mahal ng anak ko si Joshua,” sabi pa ni Dennis.

q q q

Speaking of Funny Ka, Pare Ko, pasok na nga rito si Dennis Padilla kaya mas matinding tawanan ang maaasahan sa ikalimang season nito sa CineMo together with the original members ng cast kabilang na sina Karla Estrada at Bayani Agbayani.

Bukod sa veteran comedian, makikigulo rin sa programa ang It’s Showtime’s “Funny One” winner na si Donna Cariaga, at ang co-finalists niyang sina Anthony Andres at James Caraan.

Gaganap si Donna Cariaga bilang “hugoterang” probinsyanang pinsan ni Carla (Karla) na mai-in love sa bagong caretaker ni Nonong (Nonong Ballinan) na si James (James Caraan). Gaganap naman si Anthony Andres bilang isang pulpol na notaryo publiko.

Ngunit ang pagdating ni Dennis bilang ang corrupt na real estate tycoon na si Don Jovi ang yayanig sa mundo nina Carla at Bigboy (Bayani). Plano ni Don Jovi na gawing shopping mall ang lupang kinatatayuan ng Delyon Eatery na pag-aari nila Carla at Bigboy. Pero dahil ayaw ng mag-asawa na ipagbili ang naipundar na negosyo, mapipilitan si Don Jovi na gumamit ng mga illegal na paraan para mabili ang lupa. Kayanin kaya nina Carla at Bigboy na tawanan ang kanilang mga bagong pagsubok? Ano ang maitim na balak ni Don Jovi?

Tinanghal bilang Best Comedy Program sa 15th Gawad Tanglaw Awards noong 2017 ang Funny Ka, Pare Ko, ang unang sitcom sa Philippine digital free TV, samantalang nanalo namang Best TV Actor in a Comedy Program si Bayani Agbayani sa 25th KBP Golden Dove Awards.

Kabilang din sa bagong season sina Grae Fernandez, Kira Balinger, ang Komikeros na sina NongNong at Diego Castro, Jayson Gainza Alora Sasam, It’s Showtime’s “Miss Q and A” first hall of famer Juliana Parizcova Segovia, Alex Calleja at It’s Showtime’s “GirlTrends” member, Erin Ocampo.

Magsisimula ang 5th season ng Funny Ka, Pare Ko sa CineMo simula Abril 29 (5 p.m.) sa ABS-CBN TVplus.

Read more...