COCO abswelto sa hiwalayang ENCHONG-JULIA

Sa iisang tent natulog sina Enchong Dee at Julia Montes ng abutan namin sa set ng bagong serye ng ABS-CBN na Muling Buksan Ang Puso sa Baras, Rizal noong Lunes. Tukso nga namin sa dalawa ay okay na sila dahil magkasama na silang natutulog at magkatabi pa ang puwesto.

Umamin naman si Enchong na okay na sila ni Julia simula nu’ng nagkausap sila bago sila mag-umpisang mag-taping.
Sabi ni Enchong na hiniling din daw pala ng dalaga na mag-usap sila tulad ng ni-request niya sa management, “Shockingly, ‘yun din pala ang hiningi niya (Julia) and kumbaga, doon pa lang sa move na ‘yun, sa first gesture namin to regain whatever, swak na kami.

“Kumbaga, pareho naming wish na maging okay bago magsimula ang proyekto na ‘to. Kaya nu’ng nandu’n na kami sa workshop, inilabas na namin lahat,” say ng aktor. Si direk Laurice Guillen daw ang nag-workshop sa kanila at ayaw na ring idetalye ng dalawa kung ano ang napag-usapan nila, “But after the workshop, wala nang ilangan, and kumbaga, unti-unting nababalik ‘yung friendship.

Kung gaano katatag ‘yung friendship namin noon, ngayon, unti-unting nababalik ‘yun.”  Sabi pa ni Enchong, “Baka sabihin nila, timing lang na may gagawin kaming serye, ‘yun nga, eh, timing talaga and naging daan ang Muling Buksan ang Puso para magkaayos kami.”

Tinanong namin kung muli na nga bang mabubuksan ang puso nila, si Julia ang sumagot, “Wala namang nagsarang puso. Hindi kasi, wala namang naputol. Nagkailangan lang. ‘Yun lang ang nangyari, communication lang ang naputol.”

Sa pagkakaalam namin ay si Coco Martin ang dahilan kung bakit nawalan ng komunikasyon sina Enchong at Julia habang ginagawa nila ang Walang Hanggan at sinabayan pa ng pelikulang “A Moment In Time” na kinunan pa sa Europe. Pero naging mabilis ang sagot ni Julia, “Wala namang involved na ibang tao.”

Umayon din si Enchong sa sinabi ni Julia, “Kung anuman ang nangyari sa amin, it’s just because of us kaya nga mas madali naming naayos kasi kami lang dalawa ang involved.”  Anyway, tinanong si Enchong kung itutuloy pa niya ang naudlot nilang relasyon ni Julia?

“Siguro, let’s put it this way, ‘yung wini-wish namin na magkasama everyday in one soap, nandito kami sa posisyon na ‘to. And whatever happens, it will just happen. “Pero sa ngayon, nandu’n kami sa estado na pinapatibay muna namin ang pagkakaibigan namin dahil doon naman nagsisimula ang lahat,” paliwanag mabuti ng aktor.

“She’s happier now because of all the works, I mean, pag nakikita ko siya, mas maaliwalas ang mukha niya, ‘yung aura niya as a person is lighter, happier, so huwag na nating guluhin kung anuman ang nagpapa-good vibes sa kanya,” dagdag pa ng binata.
Sa madaling salita ay hindi na itutuloy ni Enchong ang anumang naputol na nakaraan nila ni Julia? “Oo, huwag na muna.

Give her time,” katwiran ng binata. Tinanong namin si Julia kung may kilig pa ba siyang nararamdaman kay Enchong ngayong madalas na silang nagkikita? Tila nagbi-bingihan ang aktres kaya sinabihan siya ni Enchong ng, “May tanong si ate Reggee sa ‘yo…”.

Kaya nagkatawanan ang lahat. Inulit namin ang tanong kay Julia, “Ha-hahaha! Ano ba, may kilig ba? Normal naman sa babae ang kinikilig?” safe answer ng aktres. Bukas, abangan ang karugtong ng panayam namin sa dalawa, kabilang na ang tungkol sa bago nilang soap.

Read more...