Napatay na kidnappers hindi pulis -PNP

Pinasubalian ng pulisya ang ulat na mga tauhan nito ang ilan sa mga napatay na kidnaper sa San Pablo City, Laguna, nitong Martes.
Matatandaang naganap ang engkuwentro sa operasyon para iligtas ang negosyanteng si Ronaldo Arguelles, na dinukot sa Candelaria, Quezon.
Nakilala ang apat sa mga napatay bilang sina Juan Vicente Lunasco, Jairo Adanza Olegario, Simplecio Pareno alyas Kent Lim Padirnal, at Marcelino Sican, sabi ni Senior Supt. Rhoderick Armamento, direktor ng Quezon provincial police.
Sina Lunasco at Olegario, kapwa taga-Novaliches, Quezon City, ang nakasuot ng camouflague uniforms na may namecloth at ranggo na nagsasabing sila ay sina “PO2 Rebadulla” at “PO3 Dizon,” sabi ni Armemento sa isang kalatas.
Si Padirnal naman ang nagmaneho ng sports utility vehicle ng mga kidnaper, aniya.
Ayon naman kay Supt. Chitadel Gaoiran, tagapagsalita ng Calabarzon regional police, bagamat mga uniporme ng Regional Mobile Force Battalion 4A ang suot ng apat, pawang mga naka-tsinelas naman ang mga ito.
Ang nakuhang Thompson rifle sa mga suspek ay patunay ring di sila pulis, dahil di nag-iisyu ng ganitong armas ang gobyerno sa PNP, aniya.
Lumabas din sa imbestigasyon na ang apat ay mga tubong Bulacan, Pampanga, at Capiz, at ilan sa kanila’y mga dating security guard, ani Gaoiran.
Samantala, sa pagbisita ni PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa sa mga pulis na nasugatan sa engkuwentro ay nabanggit nitong dapat ma-promote sa mas mataas na ranggo ang mga kasali sa operasyon.
Matatandaang apat na pulis, na pawang mga nakatalaga sa Candelaria, Quezon, ang nasugatan habang nasawi ang kasamahan nilang si PO1 Zarah Jane Andal.

Read more...