Pinoys sa NZ, walang nagsisiraan!!

BIHIRA yata na makarinig tayo ng ganitong balita! Pero iyan ang totoong situwasyon sa New Zealand sa pagitan ng ating mga kababayan doon.

Hindi kasi nawawala ang salitang “inggit” na nanalaytay sa tao, kahit ano pang lahi.

Sa halip na maging masaya sa tagumpay ng iba at maging inspirasyon sana nila iyon, gagawin nila ang lahat na siraan ang tao, gawan ng mapanirang mga kuwento at kung anu- ano pa!

Naging bisita ng Bantay OCW sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM ang CEO ng Link Philippines na si Efren Pascual na naninirahan at nagnenegosyo sa New Zealand sa loob ng 15 mga taon na ngayon, at ito nga ang kaniyang nabanggit.

Pawang mga legal kasi ang mga Pinoy na naroroon at walang ilegal, hindi katulad sa ibang mga bansa na panay siraan at laglagan pa nga!

May mga bansa kung saan ipinagkakanulo naman ng iba ang mga kapwa Pinoy na overstaying na.

Kaya nakakatuwang mabalitaan na sa New Zealand pala makapamumuhay ng tahimik ang Pinoy doon dahil walang mga maninirang puri.

Focus lamang sila sa kanilang mga trabaho, sa kanilang mga pamilya at pakikisama sha mga tagaroon.

Kung magagawa lang sana ng mga kababayan nating iwasan ang pakikialam sa buhay nang may buhay, tiyak nating mas magagamit pa nila ang mahalagang mga panahon sa mas mahahalaga at produktibong mga bagay.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com

Read more...