NAGULAT ang isang pasahero na sasakay sana ng tricycle matapos na mamalengke sa San Jose sa Rodriguez, Rizal.
Ang sinisingil kasi sa kanya ay P150 para sa biyahe mula sa palengke hanggang sa Malanday, San Mateo.
Ganun na ba talaga kamahal ang pasahe sa tricycle?
Kapag sasakay ka kasi ng jeepney ang pamasahe ay P8 lang kaya sumakay na lang siya ng jeep.
***
Kailangan siguro ng Facebook awareness ang mga overseas Filipino workers na aalis ng bansa.
Kung dito kasi sa atin ay okay lang kung ano ang i-post mo sa Facebook may mga bansa na pwedeng-pwede itong magamit sa iyo.
Dito sa atin kung ayaw mo sa isang post pwede mong ireport sa FB para matanggal.
Pero sa ibang bansa ay hindi.
Gaya ng kaso ni Fahima Alagasi, na nagtrabaho sa Saudi Arabia. Binuhusan siya ng kumukulong tubig ng kanyang amo kaya nalapnos ang kanyang balat mula sa leeg hanggang sa hita.
Natagalan daw siya sa pagtitimpla ng kape kaya nagalit ang kanyang amo. Makalipas ang tatlong oras ay tsaka lamang siya pinayagan na pumunta sa ospital para magpagamot.
Hindi na siya bumalik sa kanyang amo at tumuloy na lamang sa shelter na pinatatakbo ng Philippine embassy sa Riyadh.
Ipinost ng isa niyang kamag-anak ang mga litrato ng kalunos-lunos niyang itsura sa FB.
Kaya lang ng mag-viral ang litrato sa FB ay ginamit ito ng kanyang amo upang maghain ng slander.
Ito ang dahilan kung bakit hindi siya kaagad nakauwi sa bansa. Hindi siya maaaring umuwi hanggang nakabinbin pa ang kaso.
Humihingi ng 250,000 Saudi Riyal ang kanyang amo bilang danyos sa paninirang-puri.
Kung nabasura ang kaso na isinampa niya sa kanyang amo, ang kaso na isinampa ng kanyang amo laban kay Fahima ay hindi.
Ito ang dahilan kung bakit kahit magaling na ay hindi pa rin siya makauwi. Panahon pa ni Pangulong Benigno Aquino nang ilapit ito sa Malacañang pero walang nangyari.
Sabihin man na walang masamang intensyon ang kamag-anak ni Fahima ng i-post nito ang litrato, nagamit ito laban kay Fahima kaya hindi niya makapiling ang kanyang pamilya na nasa North Cotabato.
Kaya maganda siguro kung mayroong Facebook awareness ang mga OFW bago sila umalis ng bansa para maiwasan ang ganito.
Buti na lang at pumayag ang Saudi Prince at Interior Minister ng Saudi na si Abdulaziz bin Saud bin Naif ng makipagpulong ito kay Pangulong Duterte na bayaran na ang hinihinging danyos ng employer ng pumunta ito sa bansa.