Warrant of arrest ipinalabas vs 2 ex-official ng Du30 govt na sabit sa P50M bribery

   Ipinag-utos ng Sandiganbayan Sixth Division ang pag-aresto kina dating Bureau of Immigration Deputy Commissioners Al Argosino at Michael Robles kaugnay ng plunder case na kinakaharap nila dahil sa pagtanggap umano ng P50 milyon para sa pagpapalaya sa mga Chinese na iligal na nagtatrabaho sa Pampanga.
    Lumabas ang arrest order habang nasa tanggapan ng Clerk of Court ang dalawa kung saan sila nagpipiyansa para sa kasong graft, direct bribery at paglabag sa Presidential Decree No. 46. Nagkakahalaga ng P60,000 ang piyansa ng bawat isa.
    Dahil non-bailable ang plunder, maaari nilang bawiin ang inilagak nilang piyansa para sa ibang kaso.
    Ang dalawa ay ipinag-utos na ikulong sa Quezon City Jail annex sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
    Ang kaso ay kaugnay ng pagkakahuli sa mahigit 1,300 Chinese national na iligal na nagtatrabaho sa Fontana Leisure Parks and Casino noong 2016.
    Ngayong araw ay diringin ng korte ang motion to quash na inihain ni Robles at kapwa akusado nila na si Wally Sombero na pinaghahanap na.
    Ang akusadong si Jack Lam na umano’y nanuhol ng P50 milyon ay may warrant of arrest para sa kasong paglabag sa PD 46. Ito ay may piyansang P10,000.

Read more...