NAKAKATAWA ‘yung kumakalat na kuwentong hindi gaanong mahaba ang papel na ginagampanan ni Nora Aunor sa isang bagong serye ng GMA 7. Sinadya raw ‘yun ng produksiyon at may dahilan kung bakit.
Maigsi lang at puwedeng tumayo ang istorya kahit wala na ang Superstar. Natatakot daw kasi ang production na baka bigla na lang may mangyaring hindi naman nila kontrolado.
“Di ba, minsan, may drama si Ate Guy na bigla na lang siyang nawawala? So, kung mangyari man ‘yun, e, nakahanda na ang production, alam na nila ang gagawin sa daloy ng kuwento kung sakali,” kuwento ng aming source.
Napakalaki talaga ng partisipasyon ng imahe sa isang artista. Nu’n kasi ay napapabalita talaga ang basta na lang pagkawala ng Superstar. Walang nakakaalam kung nasaan siya.
Malaki ang puhunan sa serye, kung hindi maaagapan ng produksiyon ang mga ganu’ng pangyayari ay napakalaki ng halagang masasayang, kaya maaga pa lang ay alarmado na ang produksiyon.
Pero hindi na siguro ganu’n ngayon ang Superstar, maraming beses na siyang gumagawa ng mga serye na hindi naman nabibitin ang network at ang produksiyon, may pagkakataon namang magbago ang bawat isa sa atin.