USAP-USAPAN sa Malacañang na naging planado ang pagsibak ni Pangulong Duterte kay
dating Justice secretary Vitaliano Aguirre kung saan bago pa ang paggunita ng Mahal Na Araw ay may desisyon na hinggil dito.
Noong kasing Holy Week, halos araw-araw ay nagbi-briefing sa Malacañang ang bagong talagang Justice Secretary Menardo Guevarra bilang pansamantalang kahalili ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ipinakilala na si Guevarra sa madla sa pamamagitan ng pagsagot ng mga katanungan ng mga miyembro ng Malacañang Press Corps (MPC).
Noong una’y mariin pa ang pagtanggi ni Roque sa pagkakasibak ni Digong kay Aguirre kung saan iginiit niya na nananatili ang pagtitiwala ng Pangulo kay Aguirre sa kabila ng tinagurian nitang “major debacles”.
Hinintay lamang si Digong na opisyal na maghayag kaugnay ng pagsibak kay Aguirre.
Batay sa pahayag ni Guevarra, inatasan siya ni Duterte na ibalik ang “dignified image ng DOJ”.
Ito’y sa harap naman ng sunud-sunod na pagbatikos sa DOJ matapos namang ibasura ang kaso ng mga pinaghihinalaang drug lord na sina Kerwin Espinosa at Peter Lim at iba pang isinasangkot sa droga.
Bukod pa rito, nabatikos din ang pagbibigay ng DOJ ng provisional state witness sa tinaguriang reyna ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles.
Matapos ang pag-aanunsiyo ni Duterte sa appointment ni Guevarra noong Huwebes, agad niyang pinanumpa ang bagong kalihim ng DOJ.
Samantala, usap-usapan din na bagamat sinibak, ililipat lamang ng ibang ahensiya si Aguirre.
Lumulutang naman na sa Social Security System (SSS) siya ilalagay.
Wala pa namang kumpirmasyon ang Malacañang dito.
Marami namang natuwa sa pagkakaalis ni Aguirre sa DOJ dahil sa mga palpak na desisyon ng ahensiya.
Damay din sa pagkakaalis ni Aguirre si PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa na napaaga ang kanyang pagreretiro.
Sinasabi ng mga kritiko ni Bato na dapat ding sisihin ang PNP sa pagsusumite ng mahinang ebidensiya na nagresulta sa pagkaka-dismiss ng kaso laban sa mga umano’y drug lord.
Sa ngayon, inaantay na ang pagtatrabaho ni Guevarra sa DOJ.