NATUTUWA ako kapag meron akong nami-meet uli na atleta na na-interview ko noong nagsisimula pa lang ako sa sportswriting.
At kamakailan, nagpunta ako at pamilya ko sa The Boat Camp & Gardens ng mag-asawang Val at Didi Camara, ang mga taong nag-pioneer ng kayaking dito sa atin. Seniors na sila at nag-decide na sa Anilao, Batangas na tumira dahil sa pagmamahal nila sa outdoor life at sa dagat.
Nung nag-overnight nga kami roon ay nakita ko si Arlie Juarez.
Si Arlie ay isang PADI Divemaster na ngayon at naka-base siya sa Anilao. May tie-up siya kina Val at Didi na kapag meron gustong mag-dive sa Anilao waters ay si Arlie ang magtuturo o mag-guide.
Nung una kong nakilala si Arlie, isa siyang windsurfer na sumusunod sa bakas nina Richard Paz at Vice Fajermo. Kasama siya sa national team noon na sa kuwento niya ay mas mahirap daw makapasok sa PH team noon kaysa ngayon.
Napabilang si Arlie sa 1991 Southeast Asian Games pero reserve lang siya noon. Four years after, nasa regular team na siya at nakasungkit ng bronze medal sa Chiang Mai, Thailand at nakaulit siya noong 1997 SEA Games sa Indonesia.
Ang huling SEAG niya ay noong 2001 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Bago ito ay nag-4-time champion na siya sa Philippine National Games sa kanyang category na heavyweight o 70 kilograms pataas ang timbang samantalang noong 1997 ay nanalo siya ng dalawang ginto at dalawang silver sa President’s Cup International Windsurfing Championship.
Nag-retire siya sa windsurfing at nagsimulang magturo ng diving pero 1990 pa lang ay na-adopt na siya ng pamilya ni Carlos Soriano bilang family trainor/guide sa mga dives nila kasama ang mga Ayalas sa El Nido at iba pang lugar.
Sagot ng dalawang pamilya ‘yung training needs niya bilang isang national windsurfer at na-sponsor pa ‘yung training niya para maging PADI Divemaster na nga siya noong mid-1990’s at doon nagsimula ang pagbabago ng buhay ni Arlie.
Matagal kaming nagkuwentuhan kamakailan nung lumuwas siya sa Manila at ipinagmalaki niya sa akin na, among others, na naturuan niyang mag-dive sina Prince Albert ng Monaco, Prince Andrew ng England, mga artistang sina Luis Manzano na certified dive instructor na rin, Maja Salvador at Jessy Mendiola na search & rescue diving naman ang kinuha.
Pati si Manny Pacquiao pala ay mahilig din mag-dive at nasamahan na siya ni Arlie ilang beses na.
Si Migs Zubiri ay kliyente rin daw niya at ipinakita pa sa akin ang picture nila ng Hollywood star na si Zach Efron at mga mayayamang businessmen dito at mula sa abroad.
Dito kinukuha ni Arlie ang pampaaral sa dalawang anak niya na babae na parehong nasa New York.
Bumalik siya sa competition noong 2015 at sumali siya sa RS1 World Windsurfing Championships na ginanap sa Taal Lake. Sa masters class siya sumali at huwag isnabin, more than 50 countries daw ang sumali kasama ang mga sikat na windsurfers na medyo nagkaka-edad na rin tulad niya.
Nag-second place siya rito na dapat daw ay gold dahil disqualified ‘yung nag-first pero hindi na naayos ng organizers.
Tinanong ko siya kung ano ang pinakamagandang dive spot dito sa Pilipinas at para sa kanya, Anilao daw dahil lahat na yata ng klase ng marine life ay makikita roon. Binanggit din niya ang Tubbataha Reef na isang heritage dive site.
Maganda rin daw sa Apo Reef National Park sa Mindoro at sa Verde Island Passage na sentro raw ng marine biodiversity sa daigdig.
Pangarap pa rin niya ay maging national windsurfing coach. Gusto niyang mag-iwan ng legacy sa bansa na marami siyang naturuan na windsurfers at divemasters na bumuti rin ang mga buhay.
‘Yan si Arlie Juarez.