San Miguel Beermen tutuhugin ang ika-4 diretsong PBA Philippine Cup title

Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
7 p.m. San Miguel Beer vs Magnolia
Game One: Magnolia, 105-103
Game Two: San Miguel, 92-77
Game Three: San Miguel, 111-87
Game Four: San Miguel, 84-80

LAHAT ng indikasyon ay nakatutok na sa pagtuhog ng San Miguel Beer sa ikaapat na diretsong Philippine Cup championship sa Philippine Basketball Association.

At maisasakatuparan ito ng Beermen ngayong gabi sa Game Five ng kanilang best-of-seven Finals laban sa sister team na Magnolia Hotshots sa Mall of Asia Arena.

Sa kabuuan ay may PBA record 24 titulo na ang San Miguel franchise at lima rito ay sa ilalim ng kasalukuyang head coach nitong si Leo Austria.

“We’re now smelling the championship,” sabi ni Austria. “Meron pa naman silang natitirang hininga. For sure, they will play harder in the next game, but I also expect my players to play differently in our next game.”

Pero bago ang napipintong selebrasyon ay kailangan pang manalo ng isang laro sa serye ang Beermen.
Noong Miyerkules ay napigilan ng San Miguel ang ratsada ng Magnolia para magwagi, 84-80, at makuha ang 3-1 bentahe sa serye.

“Magnolia played their game, shackled us and were able to dictate the tempo most of the way. Credit to my players, they showed their heart as a champion team,” sabi pa ni Austria.

Nanguna para sa Beermen sa Game Four si Alex Cabagnot na umiskor ng 27 puntos mula sa 10-of-18 shooting.

Gumawa rin ng 16 puntos at 13 rebounds si four-time Most Valuable Player June Mar Fajardo na pinarangalan bilang Best Player of the Conference noong Miyerkules.

Isasagawa ang Game Six kung kinakailangan sa Linggo sa Smart Araneta Coliseum at ang Game Seven, kung magaganap, sa Miyerkules sa Mall of Asia Arena.

Read more...