KAUUWI lamang ng OFW galing Saudi Arabia matapos bunuin ang apat na taon sa kulungan.
Lapnos ang leeg at likod ng OFW matapos itong buhusan ng kumukulong tubig ng kaniyang employer dahil sa galit nito sa ating kabayan.
Dahil sa naturang insidente, nagsampa ng kaso ang OFW laban sa kanyang amo, pero natalo ito.
Binalikan naman siya ng amo at nagsampa naman ito ng retaliatory case laban sa OFW ngunit natalo din ito, at tumagal pa ng apat na taon ang naturang kasuhan.
Nakalulungkot isiping natalo ang ating kabayan laban sa kanyang reklamo. Sino ba namang matinong tao ang susunugin ang kanyang katawan? Kung nalapnos sana ang harap na bahagi ng kaniyang katawan, maaari pang sabihing aksidente nga iyon.
Sabagay malabo nga namang manalo ang isang dayuhan sa kaso nito sa Saudi Arabia.
Katuwiran daw kasi doon, kapag nagahasa ang isang Pinay at nagbuntis, kasalanan niya. Siya pa ang kakasuhan ng immorality dahil kung hindi siya nagpunta ng Saudi, hindi naman siya magagahasa at hindi mabubuntis.
Kapag naaksidente doon, kasalanan din niya. Dahil hindi umano siya maaaksidente kung hindi naman siya pumunta doon.
At kung Pinoy naman ang nakaaksidente o nakasagasa doon, siya pa rin ang may kasalanan. Dahil pumunta siya doon.
Kaawa-awang mga kabayan natin, palaging talo kahit saang anggulo!
Kaya naman payo ng Bantay OCW, kung hindi naman kayo mapipigilang mag- abroad, iwasan ang mga bansang mahirap makitungo sa mga dayuhang manggagawa.
Maraming mapagpipilian. Dahil ang katotohanan, Pinoy din naman ang nais kunin ng mga dayuhang employer. Mas gusto nilang makasama sa trabaho ang mga Pinoy OFW.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com