HINDI dapat tumutok sa kabiguan sa buhay kundi sa kaganapan ng pangarap. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Gawa 2:14, 22-33; Slm 16; Mt 28:8-15) sa Lunes sa Oktaba ng Pasko ng Pagkabuhay.
Sa pagtatapos sa kinder sa Bagong Silang (ang pinakamalaking barangay sa RP), North Caloocan, isa-isang umakyat sa entablado ang mga bata para ihayag ang kanilang ambisyon; at kung bakit. Maraming bata, edad 5-6, ang nagsabing ibig nilang maging pulis para maging mapayapa ang “pinakatahimik” na barangay.
Ang isa, nais niyang hulihin ang magugulo “sa amin.” Ang isa, nais niyang mawala ang mga adik “sa aming pathwalk.” Ang isa, gusto niyang hulihin ang maiingay na mga lasing tuwing gabi. Ang isa, na babae, gusto niyang i-neutralize ang mga salot “sa aming package.”
Matatapang na mga bata. Naging asero sa krimen simula nang mag-umpisa ang patayan Mayo 2016. May mga batang nakita ang Tokhang 1 at Tokhang 2. May mga batang nakita nang isa-isang itumba ang mga adik at tulak. May mga batang nakita nang patayin ang pito katao sa Bagsak.
Di sila na-trauma sa patayan dahil gabi-gabi, at kahit sa liwanag ng araw, ay nagaganap ang mga ito. Alam nilang ang mga namatay ay salot sa Bagong Silang. Dugo? Karaniwan. Sumambulat na utak? Paminsan-minsan, dahil malapitan ang pagbaril.
Katuwiran ng isang bata: tutulungan ko si Bato, kasi matanda na si Duterte. Baka patay na si Duterte pag ako’y pulis na. Binigkas ng mga bata ang kanilang saloobin sa harap ng mga opisyal ng barangay, mga guro at opisyal ng edukasyon. Ang mga opisyal ng barangay, edukasyon at mga guro ay tumawa lamang habang nagpalakpakan sa ibaba ang kanilang magulang at pamilya.
Ito na ba ang sinasabing maagang pagkamulat sa bagong pitagan sa buhay? Ito na ba ang maagang paninindigan, bagaman di pa ganap, sa pagtataguyod ng katarungan at katahimikan sa maahas na paraiso ng dukha? Ito na ba ang tinatanaw na kapayaan ng murang isipan na namulat sa araw-araw na karahasan? Magbabago pa nga ang ambisyong pagpapulis ng mga bata kung magiging tahimik na ang kanilang paligid. Sila’y salig lamang sa kasalukuyang itinayo ng nakatatanda sa kanila.
Di na makatulog sa kaiisip ang isang PR kung paano patitingkarin at gagawing maringal ang laban sa kampanya ng LP sa 2019. Di na rin makaatras ang isang agency dahil malaking pera na ang kanilang tinanggap sa unang sabak. Nararamdaman na ng ilang opisyal ng LP na tila sasablay. Ang payo ko sa kakilala: sumangguni sa spiritual adviser.
Palitan ang maling pangalang National Food Authority. Wala na sina Marcos at Escudero, na ang plano sa NFA ay sakupin ang lahat ng pagkain, kaya nga Food (inumpisahan sa Greater Manila Terminal Food Market, na naging Food Terminal, Inc). Ang NFA ngayon ay No Food Always, o No Food Again. At sakto pa rin. Noon, National Grains Authority. Pinalitan ito ni Marcos dahil tinawag itong Nanay Gutom Ako. Ngayon, gutom talaga ang mahihirap.
UST (Usaping Senior sa Talakayan; maghanda, magplano): Sa edad 60-64, tila di nila agad na matanggap ang pagtanda, pero masaya naman kapag libre sa sinehan. Sa edad 65-70, kalusugan at gastos ang suliranin.
Sa edad 71-75, lubos na kasiyahan at pagpapasalamat sa Panginoon. Boundary na. Bakit nga ba mas mabilis ang pagtanda ng katawan? Dahil ang pansin ay narito ay hindi sa kaluluwa. Alam ng kaluluwa ang mga kasalanan, ang siyang nagpapatanda’t nagpapahina sa katawan.
PAGBABAHAGI sa Nilayan (Nilay-ugnayan sa Ebanghelyo, Muzon, San Jose del Monte City, Bulacan): Kamatayan ang tema sa talakayan. Kamatayan sa karahasan? Masakit. Kamatayan sa aksidente? Huwag naman. Kamatayan sa bala? Huwag po naman. Kamatayan habang nakalublob sa kasalanan? Magaganap, nagaganap dahil…
MULA sa bayan (0916-5401958): Meron pa ring shabu rito. Palitan sana ang ilang PNP. …9566, V&G, Tacloban City
May nagpapakalat ng galit sa sundalo ngayon dito sa Marawi. Malakas na grupo ito. Ito marahil ang dahilan kung bakit ayaw munang pabalik ang lahat sa kanilang tahanan. …1670, Banggolo Poblacion, Marawi