Julia Montes nagreyna sa online world at iWant TV dahil sa ‘Asintado’

JULIA MONTES

PARANG bangkay na babangon sa hukay si Ana (Julia Montes) dahil tatapusin na niya ang pagpapanggap bilang Stella at isa-isa nang paghihigantihan ang mga Del Mundo sa kanyang pasabog na pagbabalik sa Asintado.

Sisirain ni Ana ang selebrasyon ng kanyang mga kalaban dahil sa gitna ng isang malaking okasyon, bigla siyang susulpot at kukunin ang atensyon ng lahat upang ipaalam na siya ay buhay, at nakatakda nang ilantad ang lahat ng baho ng mga Del Mundo.

Magiging maaksyon din ang mga tagpo dahil hindi papayag si Salvador (Nonie Buencamino), ang nagpapatay kay Ana, na magtagumpay ang dalaga sa kanyang mga balak at agad ipadadampot ito sa kanyang mga tauhan. Ngunit sa tulong ni Xander (Aljur Abrenica), hindi matitinag si Ana dahil dala-dala niya ang poot ng paghihiganti sa lahat ng kasamaang ginawa sa kanya ng makapangyarihang pamilya.

Maging ligtas pa rin kaya si Ana sa kabila ng kanyang paglantad?

Bukod sa telebisyon, lubos ding tinututukan ang Asintado sa online world sa pangunguna nito sa iWant TV bilang pinakapinanood na Kapamilya program noong Marso.

Araw-araw ding inaabangan sa hapon ang serye, at nitong Lunes (Abril 2), nagkamit ang serye nga national TV rating na 15.8%, ayon sa datos ng Kantar Media. Patok din ito sa social media sa pagiging trending topic nito sa Twitter at paglikom ng libo-libong tweets mula sa netizens.

Huwag palampasin ang serye na kasado ang pag-ibig at paghihiganti, ang Asintado sa Kapamilya Gold tuwing hapon sa ABS-CBN.

Read more...