Si Bongbong Marcos ang tunay na VP

INENDORSO ko si Leni Robredo sa Inquirer at dito sa Bandera, at ibinoto ko siya noong May 11, 2016 elections.

Di ko na dapat ito sabihin, pero close friend ko ang kanyang yumaong esposo na si dating Interior Secretary Jesse Robredo.

Naniniwala ako na magiging magaling si Leni as vice president, at kapag siya’y pinalad, magiging magaling siyang pangulo ng bansa.

Kahit na ako’y macho, naniniwala ako na mas matalino ang babae kaysa lalaki. Masaya ako nang manalo si Leni sa kanyang mga nakatunggali sa vice presidential race.

Pero nalungkot ako nang napag-alaman ko na si Bongbong Marcos ang totoong nanalo sa eleksiyon, kaya lang siya’y dinaya.

***

Matindi ang dayaan noong nakaraang halalan. Sa sobrang dayaan, ang presidential candidate na si Rodrigo Duterte ay nakakalap sana ng 21 milyong boto, pero ang nakalista lang ay 16 milyon.

Ang 5 milyong boto ay napunta diumano sa kandidatong si Mar Roxas, na pang-apat sa mga surveys — sumusunod kina Grace Poe at Jojo Binay —pero napunta sa No. 2 nang matapos ang bilangan ng mga boto.

Masyado lang talagang malaki ang lamang ni Duterte kaya’t walang naging saysay ang pandaraya na ginawa ng Liberal Party. Kaya’t nang malaman ng LP na di makukuha ni Roxas ang No. 1 na puwesto sa presidential race, kailangang panalunin nila si Leni na closest rival ni Bongbong.

‘Yan ang dahilan kung bakit si Bongbong ay nangunguna kay Leni noong gabi ng May 14; pero nagulantang ang taumbayan nang malaman nila kinaumagahan na nalampasan na ni Leni si Bongbong.

Sinabi sa akin ng mga mapagkakatiwalaang sources na hindi alam ni Robredo ang dayaan kasi, bilang baguhan sa pulitika, wala siyang alam sa mga pandaraya.

Ang kanyang esposong si Jesse na nanalo sa pagka-mayor ng Naga City na hindi nandaya.

***

Maaaring di natin gusto si Bongbong dahil marami sa atin na sariwa pa ang isip sa pinaggagawa ng kanyang ama, ang diktador na si Ferdinand, noong kapanahunan ng martial law.

Pero dahil lang ba di natin siya gusto, kailangan nating ipagkait ang kanyang pagkakapanalo bilang vice president?

Kahit na anong sentimyento kay Bongbong, siya ang tunay nating vice president. He was selected by the majority of the Filipino voters, kung di lang siya dinaya. Yan ay ang aking paniniwala o opinion.

***

Habang ang column na ito ay isinusulat kahapon, wala pang balita galing sa Malacañang kung talagang sinibak na ba itong si Justice Secretary Vitaliano Aguirre.

Kung siya’y natanggal na, di naman kataka-taka dahil siya’y pinaka-incompetent na naging hepe ng Department of Justice.

***

Nakakapanghinala ang patuloy na pag-ayaw ng Bureau of Customs na buksan ang isang kargamiyento na nahuli ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa labas ng customs zone kamakailan.

Ang may-ari ng shipment ay si Jules Nero Morato. Ang kanyang deklarasyon sa Customs ay mga kandila at pagkain ang nilalaman nito.

Ipinipilit ni Morato na walang karapatan ang NBI na buksan ang kargamiyento kaya’t umapela ito kay Customs Commissioner Sid Lapena.

Kinampihan ni Lapena si Morato. Kumukuha ngayon ang NBI ng kautusan sa korte upang buksan ang kargamiyento.

Pinaghihinalaan kasi ng NBI na baka ang laman nito ay ilegal na droga. Kung walang itinatago si Morato, bakit hindi niya payagan ang NBI na buksan ang kanyang kargamiyento? Di naman magtatagal ang pag-inspeksyon ng NBI rito.

Read more...