NAPAKAHALAGA ng tinatawag na reality check sa buhay ng mga artista. Kapag nagkakapangalan na, kapag pinagkakaguluhan na ng mga fans, dapat ay may isa o dalawang taong palaging nagpapaalala sa personalidad na kailangang nakatapak pa rin sa lupa ang kanyang magkabilang paa.
Madaya kasi ang mga sigaw at palakpak, madaya rin ang mga papuri, kailangang pinakikinggan lang ‘yun at hindi inilalagay sa ulo na nagiging dahilan ng pagyayabang.
‘Yun ang naging isyu sa pagpipista ng isang grupo isang gabi. Walang nagpapaalala sa isang kilalang female personality tungkol sa reality check.
Kuwento ng aming source, “Tingnan n’yo, kung ano ang gusto niyang ilabas, kesehodang makapanakit pa siya ng mga taong sumusuporta sa kanya, go lang siya nang go!
“Wala nga kasing nagpapaalala sa kanya, walang sumusubaybay, walang nagpapaalala sa kanya na anumang meron at hawak siya ngayon, e, lilipas din isang araw.
“Hindi niya puwedeng i-claim na magtatagal ang popularity niya. Una, wala siyang talent sa pag-arte, pilit na pilit ang acting niya, ano ang dahilan para magtagal siya?
“Sinuwerte lang siyang makasingit, kanya lang kasi ang talent na ipinuhunan niya, kanyang-kanya lang ang stage sa ganu’ng klase ng attack. Pero hanggang du’n na lang ba ‘yun?
“Nakakaumay na siya, wala nang masyadong naaaliw sa mga pinaggagagawa niya, maiingay lang ang followers niya, kaya laman pa rin siya ng social media,” kuwento ng aming impormante.
Sa kanyang pag-iikot sa iba-ibang lugar, ayon sa aming mga impormante ay kailangang may kasama ang kilalang female personality para magpaalala sa kanyang mga sinasabi at ginagawa.
“Sorry, pero wala siyang ganu’n, siya lang ang nasusunod, walang nagre-remind sa kanya na kailangan niyang kawayan pabalik ang mga fans na tumatawag sa kanya.
“Kaya ang babae namang ‘yun, ang akala niya, e, okey lang kung mang-isnab siya, okey lang kung hindi man siya maki-PR, wala nga kasing sumusubaybay sa kanya.
“Naku, Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, hindi n’yo na kailangang ngumiwi-ngiwi diyan para matumbok n’yo lang kung sino ang female personality na ito,” pagtatapos ng aming source.