MABILIS na naibaba ang hatol na kamatayan sa mag-asawang Lebanese at Syrian national na amo ng pinaslang na si Joanna Demafelis sa Kuwait at saka iniligay ang bangkay sa loob ng freezer.
Ang pagpatay kay Demafelis ay labis na ikinagalit ni Pangulong Duterte dahil para sa kaniya, hindi katanggap-tanggap at hindi siya makapapayag na basta lamang patayin ang isang Pilipino sa ibayong dagat, lalo pa, ang ilagay ito sa freezer sa loob ng mahigit isang taon.
Mariing tinuran ni Duterte na walang karapatang saktan ng mga among dayuhan ang mga OFW, abusuhin ang mga ito, verbal at pisikal man, lalo na ang sekswal na mga pang-aabuso. Isinama na rin niya ang di-pagpapakain sa ating mga domestic workers na pawang mga kababaihan at nagtatrabaho sa loob ng kanilang mga tahanan.
Naniniwala si Duterte na dapat hayaan magluto ang ating mga kababayan ng kanilang sarling pagkain at hindi dapat nagugutom sa gitna ng mabibigat na mga trabahong bahay.
Ang pagkamatay ni Demafelis ang nagtulak din kay Duterte na tuluyan nang i-ban ang pagpapadala ng mga Pilipino patungong Kuwait, mapa-propes-yunal man o hindi.
Gayong may pasubali ang naturang ban, kung malulutas ‘anya sa lalong madaling panahon ang kaso ni Joanna at makuha kaagad ng pamilya ang katarungan para sa OFW.
Agad na hinatulan ng kamatayan ang mag-asawang employer ni Joana kahit wala sila sa Kuwait. Gayong maaaring umapela pa ang mga ito, isinasaayos ngayon ang pagpapabalik sa kanila sa Kuwait sa ilalim ng extradition treaty upang mailapat ang naturang kaparusahan.
Halo ang emosyon ng pamilya ni Joana. Una nang malaman nilang nahuli na ang mga salarin at nasa kamay na ng mga awtoridad at ngayon naman, ang mabigat na parusang kamatayan para sa kanila.
Tigas na tinuran ng ama ni Joana na tama lamang na kamatayan din ang ihatol sa mga ito. Hindi anya sila magpapa-areglo. Gusto rin nilang masaksihan ng personal ang pagpatay sa mga salarin.
Mata sa mata, ngipin sa ngipin, dahil buhay nga naman daw ang kanilang inutang, kung kayat buhay rin ang nararapat na kabayaran.
Nawa’y maghatid nang matapang na mensahe ito sa mga abusadong employer ng ating mga OFW hindi lamang sa Kuwait kundi sa ilan pang panig ng mundo.
Maging matapang din sana ang ating mga OFW na ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Pa-ngalagaan at pahalagahan ang nag-iisang buhay na regalo ng Diyos. Huwag silang papayag na abusuhin, gutumin o di kaya’y saktan.
Hindi sila mga bilanggo. Lalong hindi sila mga hayop. Mga tao sila na kinakailangan ng kaakibat na mga proteksyon at benepisyo bilang isang legal na manggagawa.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/ channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayoc wfoundation@yahoo.com/susankba ntayocw@yahoo.com