DEAR Ateng Beth,
Kamusta ka naman po? Sana OK ka lang, pati love life mo. Kung magpayo ka, wagas. Parang wala kang problem sa pag-ibig.
Baka naman pwede mo i-share kung paano ba maging successful ang isang relationship. Lagi akong nagbabasa ng mga payo mo. At marami po akong natututunan.
Minsan na-aaplay ko rin sa totoong buhay. Isa po akong misis na sa bahay lang at may dalawang anak, OFW ang mister ko. Minsan nag-iisip ako baka nagloloko mister ko doon sa Dubai.
– Marie ng Antipolo City
Dearest Marie,
Pinatawa mo ko nang bonggang bongga! Salamat sa pagtatanong. OK lang naman ako at OK din ang love life ko. Salamat sa pag-appreciate sa mga payo ko, sa totoo lang minsan na no-nosebleed ako sa mga tanong at di ko alam ang isa-sagot. Kaya dapat pag-isipang mabuti.
Hindi ko alam paano maging successful ang isang relationship – kasi parang malayo pa ako (o kami) sa isang successful na relasyon. Ang alam ko, hard work ang isang relasyon.
Kami ng papa bear ko, ang basic sa amin, usap, usap at walang katapusang usap! Salamat sa Dios sa modern technology na kahit nasa malayo kami sa isa’t isa, may komunikasyon kami. Kahit minsan, sa totoo lang, nauubusan na kami ng daldal, pero Oks na kami na nakikita namin ang isa’t isa over Skype or Facetime.
Isa pang ginagawa namin, yung panatilihing buhay yung pananampalataya namin sa Dios. Kahit nag-aaway kami, ang ending namin, ma-nalangin. Sige nga, subukan mong manalangin nang pasigaw sa asawa mo…di ba kahit papaano kakalma ka. So ganun, pray-pray together para magka-time.
Nakatutulong din nang malaki na pareho kami ng faith ng papa bear ko.
‘Yan din ang dilemma nating mga-LDR wifey, yung takot na baka magloko ang ating mga mister. Pero ako naniniwala na hindi makakatulong ang pagdududa. Kapag ba nag-uusap kayo, may feeling ka na ganon o tinatakot mo lang sarili mo? Kung minsan kasi, aminin natin, yung takot nating mga babae e mula sa sarili lang natin.
Siguro may tiyo o tatay o nakalakihan tayong lalaki noon na babaero kaya na-imbed na sa atin ang takot.
Hindi ko sinasabing hindi magloloko si mister. Pero ‘wag naman nating itulak na magloko siya sa mga tamang hinala nating pagbibintang. Kaysa maghinala, i-appreciate natin si mister. Napasalamatan na ba natin siya sa sakripisyo niyang mag-OFW? Sa tiyaga niyang makipag-usap o maglaan ng time para mag chat? Nasabi na ba nating salamat sa mga padala niya?
Di ba mas magandang mag-appreciate kaysa maghinala. Sabi nga sa kabutihang ginagawa natin, kung nagloloko man sila, para natin silang nilalagyan ng apoy sa tuktok nila. Kung hindi siya
nagloloko, e, di pinapasaya natin sila at eventually ang pamilya natin.
Kaya lablab lang ang aura, ‘teh, para di ka mai-stress! Salamat sa suporta!