Batang Gilas dinaig ang Malaysia

Terrence John Fortea. Photo from FIBA.com

NAPIGILAN ng Batang Gilas-Pilipinas ang ratsada ng Malaysia sa huling yugto para itakas ang 62-57 panalo sa ginaganap na FIBA Under-16 Asian Championship Lunes ng hapon sa Lingnan Mingzhu Gymnasium sa Foshan City, China.

Napag-iwanan ang world ranked No. 30 na Batang Gilas sa umpisa ng laro, 4-7, bago nagawang itala ng Malaysia ang dalawang puntos na abante sa pagtatapos ng yugto, 13-11.

Gayunman, umatake sa sumunod na dalawang yugto ang Batang Gilas upang itala ang 49-40 na kalamangan patungo sa huling yugto ng laban.

Nagawa pang iangat ng Batang Gilas ang kanilang kalamangan sa 13 puntos, 59-46, pero unti-unting nakadikit ang Malaysia sa 54-59, may 2:52 ang nalalabi sa laro bago ipinasok nina Raven Angelo Cortez at Kai Zachary Sotto ang kanilang mga free throw para tuluyang makalayo ang mga Pinoy cager at iuwi ang panalo.

Pinamunuan ni Terrence John Fortea, na naglaro ng 36 minuto, ang Batang Gilas sa itinala na 15 puntos, 9 rebound, 2 assist at 1 steal habang nagdagdag si Sotto ng 12 puntos, 16 rebound, 2 assist at 4 block.

Nag-ambag si Cortez ng 12 puntos, 12 rebound, 2 steal at 1 block para sa pambansang koponan na sunod na makakasagupa sa unang pagkakataon ang world ranked No. 10 na Australia bukas para sa tsansang manguna sa Group B sa preliminary round ng torneo.

Read more...