MULING pinatunayan ng GMA 7 na mas gusto ng mga Iskolar ng Bayan ang mga programa nito matapos humakot ng 28 awards sa Gandingan 2018: The 12th UPLB Isko’t Iska’s Multi-media Awards na ginanap sa UP Los Baños, Laguna.
Pinangunahan ni GMA News Pillar Mike Enriquez ang mga Kapuso personality na kinilala ngayong taon.
Espesyal ang award na iginawad kay Mike—ang Gandingan ng Kapayapaan—para sa kanyang public affairs program na Imbestigador.
Ito’y kaugnay na rin ng tema ng Gandingan 2018 na “Lipad tungo sa Kapayapaan”, kung saan kinikilala ang mga radio station at TV network na nagsusulong ng peace and order sa kanilang mga programa.
Ang isa pang GMA News Pillar na si Jessica Soho ay tumanggap naman ng Gandingan ng Kabataan para sa Kapuso Mo, Jessica Soho. Iginawad kay Drew Arellano ang Gandingan ng Edukasyon para sa infotainment program na AHA! na kinilala bilang Most Development-Oriented Educational Program.
Kinilala rin ang GMA Public Affairs’ special documentary na “Sa Serbisyong Totoo, Nabago ang Buhay Ko,” bilang Most Development-Oriented Public Service Program.
Nag-uwi rin ng dalawang awards ang GMA Entertainment Content Group para sa Legally Blind, ang Afternoon Prime series na pinagbidahan ni Janine Gutierrez – ang Most Development-Oriented Women’s Program at Most Gender Transformative Program.
Bukod sa Gandingan ng Kaunlaran award, humakot pa ng pitong pagkilala ang leading local news channel na GMA News TV. Ang flagship evening newscast na State of the Nation with Jessica Soho ang kinilala bilang Most Development-Oriented News Program habang nagwagi si Jessica ng Best News Anchor.
Kabilang pa sa GMA News TV programs na kinilala ay ang Investigative Documentaries (Most Development-Oriented Investigative Program); I Juander (Most Development-Oriented Magazine Program); Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie (Most Development-Oriented Talk Show); at Wagas (Most Development-Oriented Drama Program).
Ang public service campaign naman ng GMA News TV na “Karapatan Mo, Juan” ang hinirang na Most Development-Oriented TV Plug.
Naiuwi naman ng GMA Regional TV ang apat na core awards, kasama na ang Most Development-Oriented TV Station. Ang core awards ay binibigay sa outstanding programs na pinalabas sa local, community, o regional radio at TV stations, kasama na rin ang mga gawa ng paaralan.